MAGSISILBING inspirasyon at motibasyon ni Nesthy Petecio ang mga tagumpay na nakamit ni Hidilyn Diaz-Naranjo sa weightlifting sa kanyang misyon na masungkit ang pinakaaasam-asam ni ginto sa 2024 Paris Olympics na bigo niyang makuha sa Tokyo.
“Aaminin ko sa iyo, ang tagumpay ni Heidi ang motivating force sa aking goal na makuha ang ginto at unang boxer na nanalo sa Olympics,” sabi ni Petecio sa panayam ng PILIPINO Mirror.
Sinabi ng 30-anyos na prize fighter mula sa Sta. Cruz, Davao del Sur na gagawin niya ang lahat para matupad ang kanyang pangarap sa France.
“Balik ang training ko sa basic. Sisimulan ko ang training sa February at long range all the way to 2024 Olympics,” wika ng 2019 AIBA World Boxing Championship gold medalist.
Sasabak si Petecio sa tatlong qualifying na gagawin sa Bulgaria, Thailand at India.
“Paghahandaan ko ito nang husto dahil ang goal ko ay makalaro sa Paris. Dito nakasentro ang aking attention,” pahayag ni Petecio.
“Sana ay magtagumpay ako, second appearance ko sa Olympics at maging masaya ang 31st birthday ko sa April 11,” dagdag ni Petecio.
Bukod sa tatlong qualifying ay lalaban si Petecio sa Southeast Asian Games, Asian Games at Asian Boxing Championships.
“Loaded at hectic ang schedule ko sa 2023,” dagdag ni Petecio.
Si Petecio ay nanalo ng silver medal sa Tokyo Games kung saan nakopo ni Diaz ang kauna-unahang ginto ng Pilipinas sa Olympics.
CLYDE MARIANO