NANINIWALA si Justice Secretary Menardo Guevarra na nasa Filipinas pa ang hinihinalang big time drug lord na si Peter Lim.
Sinabi ni Guevarra na walang rekord na magpapatunay na nakalabas na ng bansa ang itinuturing na pugante.
Dahil dito, sinabi ng kalihim na wala pa siyang nakikitang pangangailangan para humingi ng tulong ang Filipinas mula sa International Criminal Police Organization (interpol) para matunton ang kontrobersiyal na negosyante.
Sa rekord ng Bureau of Immigration (BI), umalis ng bansa noong Marso si Lim, pero matapos ang apat na araw ay bumalik din ito ng bansa.
Wala rin naitatalang ibang departure record ang BI kasunod ng nasabing biyahe ni Lim.
Nauna nang binalaan ni Guevarra na maaaring maharap sa kaso ang mga nagkakanlong kay Lim na akusado sa kasong “conspiracy to trade illegal drugs” o pakikipagsabwatan sa pangangalakal ng ilegal na droga sa Visayas.
Naglabas na rin ang gobyerno ng kalahating milyong pisong pabuya para sa sinumang makapagtuturo sa kinaroroonan ni Lim para sa kanyang ikadarakip.
Noong Agosto 14, nagpalabas na ang Makati Regional Trial Court Branch 65 ng warrant of arrest laban kay Lim. TERESA TAVARES
Comments are closed.