PGH-ER MAGIGING PINAKAMAGANDA SA BUONG FILIPINAS

PGH-2

(ni ANA ROSARIO  HERNANDEZ / Kuha nina RUSTY ROMAN at NONIE REYES)

IPINAGMALAKI ni Philippine General Hospital (PGH) Director Gerardo ‘Gap’ D. Legaspi na ang kanilang emergency room (ER) ang magi­ging pinakamagandang emergency room sa buong bansa sa sandaling mabuksan na ito sa publiko sa susunod na taon.

Kasalukuyang sarado ang ER ng PGH dahil isinasailalim ito sa renobasyon upang ga­wing mas malaki at mas makabago.

“It will be the most beautiful emergency room in the Philippines. I promise you that,” buong pagmamalaking pahayag ni Legaspi, nang makapanayam ng PILIPINO Mirror sa kanyang tanggapan.

Hunyo 1 nang isara ang ER ng PGH upang isailalim sa renobas­yon, na target sana nilang matapos hanggang Setyembre, ngunit naantala ito ng limang buwan, kaya posibleng sa Pebrero 2020 maisagawa ang turnover nito, at tumanggap ng unang pasyente sa Abril 2020.

Paliwanag niya, may mga nahukay na lumang estruktura na wala sa plano, kaya nangailangan ng retro-fitting at redesigning ang gusali, na matagal, aniya, ang inaabot sa government procedure dahil marami pa itong kailangang pagdaanan.

“Paaakyatin mo pa sa Board of Regence, ganun… so I think na-delay kami ng mga more than five months. February ang turnover, according to the new chart, April ang first patient,” paliwanag ng PGH director.

Habang sarado ang ER ay tumatanggap muna ang PGH ng mga emergency patient sa kanilang make-shift ER sa Ward 14 ng paga­mutan.

Gayunman, limitado ang kapasidad nito kaya kinailangan nilang humanap ng ibang lugar sa pagamutan na pagdadalhan sa kanila, sabay paalala na ­tanging ‘tunay na emergency ­cases’ lamang ang kanilang tatanggapin pansamantala.

Kailangan din muna aniyang i-coordinate ang paglilipat ng mga pasyente na mula sa ibang pagamutan.

Hindi, aniya, ­maaaring basta na lamang magdala ng pas­yente mula sa malayong lugar dahil sa posi-bilidad na hindi ito ma-entertain o ma-admit ng PGH dahil sa konstruksiyon.

Gayunman, ang mga tunay na emergency cases, gaya ng trauma, heart attack, stroke, at iba pa ay tinatanggap at nilulunasan ng PGH, at kung kaya umano itong i-absorb at i-admit ay gagawin nila.  Kung hindi naman na talaga kakayanin ay ita-transfer din nila ito sa ibang pagamutan.

Ayon kay Legaspi, inalis nila ang lahat ng laman ng lumang emergency room at sa sandaling magbukas ito ay wala na silang ibabalik na lumang gamit, at puro bago at modernong kagamitan na ang kanilang ilalagay rito.

Masasabi lamang aniyang nasa luma o kaparehong area ang ER, ngunit bago ang gusali nito, bago ang disenyo at wala nang makikitang anumang bakas ng lumang ER.

“So the old ER we took out everything, and we’ll not be bringing in any old items… so we’re buying ­everything… it’s still in the same area, but new building, new design, wala ka nang makikita sa luma,” pagmamalaki pa ni Legaspi.

Magiging isang Obstetric Admitting Section (OBAS) ER din, aniya, ito, na tatanggap ng mga nanganganak at may mga gynecological problem, na katabi ng general emergency room.

Magkakaroon na rin ito ng sariling operating room, at may elevator na diretso sa kanilang main operat-ing room, sakaling may mga kasong kailangang operahan na hindi makaka­yang operahan doon.

PGH-3Magkakaroon, aniya, sila ng ‘triage system’ na gagamit ng emergency severity index scoring system, kung saan may mga sinanay na indibidwal na siyang mag-a-assess ng sitwasyon at kondisyon ng bawat pasyenteng darating upang matiyak na hindi magkakahalo-halo ang mga pasyente, at matutukoy ang tunay na emergency cases at mabibigyan ng ka­rampatang lunas. Mahihiwalay na rin ang mga bata sa mga matatanda.

“We’re going to employ the what we call the ‘triage system’ using the emergency severity index sco­ring system wherein may nakaupo roon and any man who thinks he has an emergency, papasok doon. There are trained personnel to tell you, o ‘this patient will die’, dito ka sa Room 1, 2 or 3, o ‘there’s real emergency.’ Hindi mo paghahalu-haluin ang mga pasyente,” aniya pa.

“Lahat ng idea na wala sa dating ER, mayroon na rito sa bago.  May emergency surgery na rin doon. Katabi na ang apat na operating room,” dagdag pa ni Legaspi.

Nabatid na idini­senyo na rin ang bagong ER sa mass casualty event, at kung bubuksan, aniya, ang ER at aalisin ang lahat ng dividers nito ay magiging isa itong malaking open space para sa maramihang pasy-ente, na may kapasidad na hanggang 120 pasyente, na doble sa dating 60 lamang na kapasidad nito.

“It will be a big open space for mass casualty. Capacity ay aabot ng 120 parang isang ospital na siya.  ‘Yung dating capacity ay 60, kaya dodoblehin namin siya,” aniya pa.

Ang reception capacity naman ng entrance nito ay kayang mag-accommodate ng hanggang 15 pasyente nang sabay-sabay at malaki na rin ang waiting area nito para sa mga kaanak ng mga pasyente.

“It’s going to be well-conditioned and ventilation is well planned,” pahayag pa niya.

“May elevator that goes straight to the main OR.  Dati kasi pupunta ka pa sa gitna ng ospital, ‘pag may nakapilang mga pasyente. ‘Di ka kaagad makakasakay, so kunwari punum-puno na ‘yung mga OR sa baba, akyat sila sa taas… so when the door opens, it’s the operating room already. Kung manganganak, major surgery na ‘di kaya sa baba, paglabas, gynecologic operating room na,” pagsasalarawan pa niya rito.

Ipinaliwanag ni Legaspi na nais nilang maging modelo ang kanilang ER dahil ito, aniya, ang papel ng PGH, ang maghanap at tumuklas ng mga bagong pamamaraan na maaaring maibahagi nila sa iba.

“So we’d like to do that ‘coz we’d like to make it as a model. That ‘s our role, I think that’s the role of PGH, to find or research ways on how to do things, try to see if it works, then maybe share it with others,” ayon pa kay Legaspi.

Nabatid na kinausap na rin ni Legaspi ang contractor ng ER, at pinakiusapan na madaliin ang konstruksiyon at kung maaari ay mabuksan kahit na ang main ER upang magamit nila kaagad.

“Sabi ko ‘yung main ER muna ang mabuksan, kasi matagal ‘yung ­obstretic part kasi nasa lumang part siya ng PGH, na 110 yrs old na building, “ aniya pa.

Tiniyak din ni Legaspi na hawak na nila ang pera upang makabili ng mga bagong gamit para sa mas epektibong pagbibigay ng serbisyo ng kanilang emergency room.

Comments are closed.