LUMAGO ang kabuuang halaga ng produksiyon sa agriculture at fisheries sector ng 2.1 percent sa first quarter ng taon, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Sinabi ng PSA na sa constant 2018 prices, ang halaga ng produksiyon ay nasa PHP428.69 billion, mas mataas kumpara sa PHP419.96 billion noong nakaraang taon.
“This was due to the annual increases in the value of production of crops, livestock, poultry, and fisheries,” pahayag ni PSA Undersecretary at National Statistician Dennis Mapa.
Ang halaga ng mga pananim ay umabot sa PHP247.76 billion, tumaas ng 1.7 percent mula sa PHP243.65 billion noong nakaraang taon.
Ang total value ng livestock production ay tumaas din ng 4.1 percent sa PHP61.65 billion mula PHP59.21 billion sa first quarter ng 2022.
Ang halaga ng poultry production na nasa PHP64.94 billion ay tumaas ng 3.2 percent mula sa PHP62.96 billion noong nakaraang taon, habang ang fisheries production ay bahagyang tumaas sa PHP54.32 billion mula PHP54.14 billion.
Pagdating sa volume, sinabi ng PSA na ang palay at corn production ay lumago ng 5.2 percent at 3.2 percent, ayon sa pagkakasunod.
Lumago rin ang hog at cattle production ng 5.1 percent at 1.9 percent, ayon sa pagkakasunod.
Gayunman, naitala ang pagbaba sa produksiyon ng carabao (-1.2 per- cent), goat (-3.6 percent), at dairy (-11.4 percent).
Sinabi pa ng PSA na lumago ang chicken production ng 3.3 percent, chicken eggs ng 2.8 percent, at duck eggs ng 3.8 percent.
Naitala rin ang pagtaas sa produksiyon ng milkfish, tilapia, yellowfin tuna, squid, alimasag, at lapu-lapu sa unang tatlong buwan ng taon.
Sinabi ni Rizal Commercial Banking Corporation (RCBC) chief economist Michael Ricafort na ang agricultural growth sa first quarter ay dahil sa mas magandang panahon.
“Furthermore, higher prices globally and locally led to higher prices of some agricultural products, thereby also partly adding to the year-on-year growth in terms of value,” aniya. PNA