PH AT JAPAN NAGKAISA PARA SA RULE OF LAW SA WPS

west philippine sea-3

MULING pinagtibay ng Filipinas at Japan ang kanilang patuloy na pagkakaisa upang maisulong ang rule of law sa kabila ng pag-aagawan sa West Philippine Sea.

Sa ipinalabas na joint press statement sa Makati Shangrila Hotel matapos ang kanilang bilateral meeting, sinabi ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. na naging mabunga ang kanyang pakikipagpulong sa kanyang counterpart na si Japanese Foreign Mi­nister Motegi Toshimitsu kaugnay sa mga usaping may kinalaman sa pagpapairal ng kaukulang batas sa maritime commons at maging sa pinakahuling sitwasyon sa West Philippine Sea (South China Sea).

“We committed to continue our cooperation – bilaterally and in all possible forums – to maintain peace and security, stability and the rule of law in our region,” sabi ni Locsin.

Ang Filipinas at iba pang Southeast Asian countries, tulad ng Brunei, Malaysia, at Vietnam at maging ang China at Taiwan ay pawang umaangkin sa mga teritor­yo sa South China Sea. Maging ang Indonesia, na miyembro rin ng ASEAN, ay mayroon ding hindi pagkakaunawaan sa China na may kaugnayan din sa ilang bahagi ng nabanggit na karagatan.

Sinabi ni Motegi ang kahalagahan ng lokas­yon ng Filipinas sa pagkokonekta sa iba pang bahagi ng mundo.

“The Philippines is located at a great crossroad of which connects the Pacific Ocean and the Indian Ocean as well as the North Hemisphere and the South Hemisphere. It is an important strategic partner that holds the key to realizing free and open in the Pacific concept advocated by Japan,” sabi pa ni Motegi.

“Secretary Locsin and I were able to deepen our discussion from such perspectives and agreed to deepen bilateral cooperation in wide areas, including security and enforcement of the laws of the sea,” dagdag pa ni Motegi.

Napag-usapan din nina Locsin at Motegi ang mga future acquisitions mula sa Japan para sa modernisasyon ng Philippine Armed Forces at maritime forces.

Kasabay nito ay nagpaabot ng pasasalamat ang administrasyon Duterte sa pamamagitan ni Locsin sa bansang Japan sa walang sawang suporta sa Mindanao partikular sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.

Nagkasundo rin sina Motegi at Locsin na magkauwang na tiyakin ang denuclearization ng North Korea at kabilang na rin ang full implementation ng UN Security Council resolutions. EVELYN QUIROZ

Comments are closed.