SASABAK ang mga atletang Pinoy sa revival ng Arafura Games na gaganapin sa Darwin, Northern Australia ngayong taon, ayon kay Philippine Sports Commission (PSC) Commissioner Charles Raymond Maxey.
Kamakailan ay dumating si Consul General John Rivas sa bansa at ipinaabot kay PSC Chairman William ‘Butch’ Ramirez ang pag-imbita sa mga Pinoy athlete sa nasabing torneo na may temang “Bridging People Through Sports”.
Ang Darwin ang pinakamainit na lugar sa Australia malapit sa Indonesia, Papua New Guinea at Davao.
Huling lumahok ang Pilipinas sa Arafura Games noong dekada 90 kung saan sumabak ito sa iba’t ibang sports tulad ng athletics, water polo, swimming at nag- champion sa basketball na kinatawan ng Manuel L. Quezon University.
Maraming atleta na taga-Davao ang lumahok sa Arafura Games at inaasahang magpapadala ulit ang pinakamaunlad na lungsod sa Mindanao ng mga pambato.
Ang Arafura Games ay inorganisa ng Darwin State bilang tulay sa pagpapalaganap sa magandang samahan ng mga bansa sa pamamagitan ng sports.
Natigil ng ilang taon ang Arafura Games at nagpasiya ang estado ng Darwin na buhayin ang nasabing paligsahan para magpatuloy ang magandang ugnayan ng mga bansa sa pamamagitan ng sports competition. CLYDE MARIANO
Comments are closed.