PH ATHLETICS CHAMPIONSHIPS AARANGKADA NA BUKAS

SIMULA na bukas, Mayo 8, ang Philippine Athletics Championships— dating National Open—sa PhilSports oval sa Pasig City.

May 700 atleta, kabilang ang mga kalahok mula sa siyam na bansa, ang sasabak sa championships na idinaos ng Philippine Athletics Track and Field Association (PATAFA) ilang taon sa Ilagan City, Isabela.

Mapapalaban ang mga Pinoy athlete sa 60 bets mula sa Hong Kong, Singapore, Malaysia, Thailand, Japan, New Zealand at United States.

Mangunguna sa kampanya ng Pilipinas sina Paris Olympics hopefuls Filipino-American sprinter Lauren Hoffman, Filipino-Spanish John Cabang Tolentino, Asian champion Robyn Brown at Southeast Asian Games gold medalists Eric Cray, Janry Ubas at Kristina Knott.

Kasama sa local tracksters sina Kingsley Clinton Bautista, Joyme Albao Sequita, Michael Carlo Grafilo del Prado, Umajesty Williams at Sarah Dequinian.

Mahigit 40 events, kasama ang 100m, 200m, 400m, 4x100m at 4x400m relay, ang paglalabanan sa limang araw na kumpetisyon na suportado ng Philippine Sports Commission (PSC) at Philippine Olympic Committee (POC).

Lalaban sina Cray sa 400m hurdles, Knott sa 400m, Brown sa 400m, Hoffman sa 400m hurdles, Tolentino sa 110m hurdles at Ubas sa high jump.

Bilang pag-iingat sa matinding init, ang kumpetisyon ay sisimulan nang mas maaga sa alas- 5:30 ng umaga hanggang alas-8:30 ng umaga, at magpapatuloy sa alas-3:30 ng hapon hanggang sa finals sa gabi.

 CLYDE MARIANO