NAPANTAYAN ng Pilipinas ang isang milestone sa men’s action habang matikas na nakihamok ang women’s side sa Asian Senior Beach Volleyball Championships sa Bang Tao Beach sa Phuket, Thailand.
Umusad ang 19th-seeded pair nina Jude Garcia at Krung Arbasto sa quarterfinals kasunod ng 22-20, 18-21, 15-12 pagsilat kina Ahmed Mahmoud at Saifeddin Elmajid ng Qatar 2, ang eighth seeds sa five-day tournament.
Napantayan ng dalawa ang pinakamatikas na pagtatapos ng bansa sa annual competition magmula nang makapasok sina Rhovyl Verayo at Parley Tupaz sa final eight noong 2007 sa Songkhla, Thailand. Si Verayo ang gumagabay ngayon sa men’s team.
Gayunman ay nalasap nina Garcia at Arbasto ang 19-21, 21-13, 10-15 pagkatalo kina Bahman Salemi at Abolhassan Khakizadeh ng Iran 2 sa 49-minute contest upang mabigong makausad sa semifinals. Sina Salemi, 2017 Asian champion, at Khakizadeh ay seeded 11th sa torneo.
“I’m very satisfied with the way our beach volleyball players performed in Phuket. We will get better,” wika ni Philippine National Volleyball Federation president Ramon ‘Tats’ Suzara.
Ang bansa ay muling sumabak sa torneo matapos ang 11-year absence.
Samantala, umabot naman sina Dij Rodriguez at Gen Eslapor at Sisi Rondina at Bernadeth Pons sa round-of-16 sa women’s play.
Ang 16th-seeded na sina Rodriguez at Eslapor ay yumuko kina Jasmine Fleming at Stefanie Fejes ng Australia 2, 18-21, 14-21, habang nabigo sina No. 12 Rondina at Pons kina Akiko Hasegawa at Yurika Sakaguchi ng Japan 2, 17-21, 15-21.