NAGPAKITA ng kahandaan ang Philippine beach volleyball teams sa Hanoi SEA Games nang magwagi ng 2 gold, 1 silver at 1 bronze medals sa 2022 Australia Beach Volleyball Tour Championships na nagwakas nitong Linggo sa Coolangatta Beach sa Brisbane, Australia.
Naging matagumpay ang unang pakikipagtambalan ni sand court ace Jovelyn Gonzaga kay Dij Rodriguez matapos ang kanilang 18-21, 21-19, 15-13 panalo laban kina local bets Alice Zeimann at Anna Donlan sa Women’s Challenger Division I final.
Sina Gonzaga at Rodriguez ay walang talo sa limang laro sa three-day tournament na top-tier domestic beach volleyball event sa Australian volleyball calendar.
Nagwagi rin sina Ranran Abdilla at Jaron Requinton ng gold medal via 22-20, 21-17 decision laban kina Issa Batrane at Frederick Bialokoz sa Men’s Challenger Division I.
Nagtala sina Abdilla at Requinton ng perfect 5-0 record na torneo na bahagi ng paghahanda ng beach volleyball teams sa Vietnam 31st Southeast Asian Games sa Mayo.
Nakopo naman nina Sisi Rondina at Bernadeth Pons ang silver makaraang matikas na nakihamok kina Nikki Laird at Phoebe Bell, 18-21, 12-21, sa finals ng Women’s Elite group.
Naitakas nina Nene Bautista at Gen Eslapor, na tulad nina Gonzaga at Rodriguez ay nagtambal sa unang pagkakataon, ang 21-13, 21-19 victory laban kina Saskia De Haan at Lisa-marie Moegle upang kunin ang bronze sa Women’s Challenger Division I.
Nagwagi rin sina Pemie Bagalay at James Buytrago ng bronze sa Men’s Challenger Division I sa pamamagitan ng 21-17, 21-12 panalo kontra Thomas Heptinstall at Jed Walker.