BINABAAN ng economic team ng pamahalaan ang growth outlook nito para sa 2023.
Ayon kay Development Budget Coordination Committee (DBCC) chairperson at Budget Secretary Amenah Pangandaman, inaasahan ngayon ng inter-agency body ang economic growth sa pagitan ng 6.0% at 7.0% sa susunod na taon, mula sa naunang pagtaya na 6.5% hanggang 8.0%.
Pinanatili naman ng DBCC ang forecast range nito na 6.5% hanggang 7.5% para sa 2022, kung saan ang third-quarter growth ay naitala sa 7.6%, mas mabilis sa upwardly adjusted 7.5% sa naunang quarter.
“This momentum is expected to slightly decelerate in 2023 and range from 6.0% to 7.0% considering external headwinds such as the slowdown in major advanced economies,” ani Pangandaman.
Kabilang sa external headwinds na ikokonsidera ay ang inaasahang global economic slowdown, at ang panibagong lockdowns sa China sa harap ng zero COVID policy nito.
Inaasahan naman ng economic managers na maitatala ang paglago sa 6.5% hanggang 8.0% mula 2024 hanggang 2028, sa likod ng mga istratehiya at interventions na binalangkas sa Philippine Development Plan 2023-2028.
“These include modernizing agriculture and agri-business, revitalizing the industry sector, and reinvigorating the services sector, among others,” dagdag ni Pangandaman.