PH BOXERS SASABAK SA ASIAN UNDER-22 TOURNEY

Ed Picson

MAGPAPADALA ang Association of Boxing Alliances in the Philippines (ABAP) sa ilalim ng bagong presidente nito na si Ed Picson ng isang team sa Asian Under-22 Boxing Championships sa Tashkent, Uzbekistan mula Jan. 20 hanggang 30.

Gayunman, sinabi ni Picson na nangangahulugan ito na ang anim na lalaki at dalawang babae na sasabak sa event, kabilang ang kanilang mga coach at sparring partner, ay kailangang isantabi ang kanilang mga plano para sa Christmas holidays.

“We have already informed all our boxers and coaches that we have a Christmas break from Dec. 18 to Jan. 8. But then the invitation came out so we had to sadly inform them,” ayon kay Picson.

Sinabi ng newly-elected ABAP president sa online Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum na maging ang mga sparring partner ay pinasasama sa training sa Baguio City, at pumayag naman sila.

“Wala munang Christmas break para sa mga lalahok,” sabi ni Picson, na hindi pa isinawalat ang pangalan ng mga kakatawan sa bansa sa unang international competition para sa koponan.

“This means tuloy-tuloy ang training ng boxers in Baguio,” pahayag ni Picson sa forum na itinataguyod ng San Miguel Corporation (SMC), MILO, Amelie Hotel Manila, Braska Restaurant at ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).

Ito rin ang unang torneo para sa national team sa ilalim ng liderato ni Picson kasunod ng ABAP election noong nakaraang Nob. 25. Pinalitan niya si long-time president Ricky Vargas na tumatayo ngayong chairman.

Susunod na sasabak ang mga Filipino boxer sa 31st SEA Games sa Hanoi sa Mayo, isang major event na kaalinsabay ng  Women’s World Championships sa Turkey, at sa Asian Games sa Hangzhou, China sa Setyembre.

“Kasabay na kasabay ng SEA Games ang women’s world which was originally set this month and was moved to March and now to May,” ani Picson.