MAHIGIT isang linggo makaraang ianunsiyo na hindi na sila magpapadala ng koponan sa 2018 Asian Games, nagbago ng plano ang Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP).
Kinumpirma kagabi ng SBP, kasama ang Philippine Basketball Association (PBA), na sasabak na ang bansa sa basketball competition ng quadrennial meet, na aarangkada sa Agosto 18 hanggang Setyembre 2 sa Jakarta at Palembang sa Indonesia.
Tulad ng naunang plano, ang core ng Rain or Shine Elasto Painters ang bubuo sa national team sa ilalim ni NLEX coach Yeng Guiao.
“We’d like to announce our participation in the Asian Games,” wika ni Philippine Olympic Committee (POC) president at PBA chairman Ricky Vargas.
“This will be final.”
“We realized that there is a strong clamor from basketball fans, and since we are the house of basketball, we need to really look at that clamor. Galing ‘yan sa puso ng fans,” dagdag pa niya.
Ang desisyon ay nabuo, siyam na araw makaraang sorpresang umatras ang SBP sa Asian Games upang magpokus umano sa apela nito sa sus-pensiyon ng FIBA dahil sa rambulan ng Australia at Gilas Pilipinas, gayundin sa pagsabak ng national team sa second round ng FIBA World Cup Asian qualifiers sa Setyembre.
Ang core ng Rain or Shine ay sasamahan ng tatlong Gilas Pilipinas cadets, sa katauhan nina Kobe Paras, Ricci Rivero at Abu Tratter.
Ang pagbabago ng isip ng SBP ay sa tulong ni Special Assistant to the President Bong Go, na naunang nagpahayag na nais niyang kausapin ang PBA at SBP hingil sa paglahok ng bansa sa quadrennial games.
Si Go, isang basketball enthusiast, ay nadismaya sa naunang desisyon ng SBP na umatras sa Asiad.
Comments are closed.