BILANG dagdag-kita at promosyon ng agrikulturang Pinoy, pinalalakas ng administrasyong Marcos ang produksiyon ng mataas na kalidad ng pang-export na durian sa China
Ang pamahalaan ay nakatuon sa pagpapatupad ng mga istratehiya upang matiyak ang mataas na kalidad ng mga prutas para i-export, kabilang ang durian, na napapailalim sa isang export deal sa China na nagkakahalaga ng USD2-bilyon.
Ang Department of Agriculture (DA), na kasalukuyang direktang pinamumunuan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang nangunguna sa pagpapalakas ng produksiyon ng Grade-A durian sa pamamagitan ng Bureau of Plant Industry (BPI) at High Value Crops Development Program (HVCDP).
Pinangangasiwaan ng DA ang patuloy na pagpaparehistro ng mga exporter, packing facility operator, at grower ng durian, na may limang lisensyadong exporter, anim na lisensyadong packing facility operator, at 65 durian grower na nakarehistro sa Davao Region, hanggang sa kasalukuyan.
Sa ilalim ng Enhanced KADIWA Grant ng DA, ang mga durian grower at farmer cooperative ay nabigyan din ng tulong pinansiyal at suporta.
Isang sesyon ng pagsasanay para sa mga opisyal ng DA-BPI Plant Quarantine, inspektor, at iba pang stakeholders sa mga peste at sakit ng durian ang itatakda rin ng DA.
Kasama sa pagsasanay ang mga paksa sa pamamahala ng kultura upang mapabuti ang teknikal na kaalaman, higit pang tiyakin ang kalidad ng sariwang durian para i-export sa mga pamilihan ng China.
Nakuha ni Pangulong Marcos ang paglagda sa “Protocol of the Phytosanitary Requirements for Export of Fresh Durians from the Philippines to China” noong Enero 4, sa kanyang tatlong araw na state visit sa China.
Ibinalita ni Pangulong Marcos, sa kanyang pagdating noong Enero 5, na ang kooperasyong pang-agrikultura sa pagitan ng dalawang bansa ay nagbubukas ng pinto para sa mas malaking oportunidad sa kalakalan.
“Because they are opening their trade to imports of durian and other agricultural products from the Philippines… we can redress the imbalance in our imports and exports from China,” sabi ni Pangulong Marcos.
Ang demand para sa durian ay tinatayang mas mataas kaysa sa USD150 M (P8.24 B) na halaga ng mga export sa unang taon ng pagpapatupad ng “Durian Protocol.”
Mag-aangkat ang China ng mahigit 5.7 M kilo ng fresh durian kada season.
Ang mga Chinese firm gaya ng Dole (Shanghai) Fruits and Vegetables Trading Co., Ltd/Dole China, Prestige International Co. Ltd., Shanghai Goodfarmer Group, at ang Dashang Group ay nakagawa na ng mga pangako sa pagbili para sa 2023.
Patuloy na makikipagtulungan ang DA sa General Administration of Customs of the People’s Republic of China (GACC) sa pagpapabilis ng virtual audit ng karagdagang mga pasilidad at mga additional packing facilities at farms.
Ang durian ay iluluwas mula sa unang listahan ng mga rehistradong sakahan sa mga pangunahing lugar ng produksiyon ng durian sa Davao City, Davao del Sur, at North Cotabato.
EVELYN QUIROZ