UMAASA ang World Bank na lalago ang ekonomiya ng Filipinas na mas mabilis sa iba pang regional economic power-houses tulad ng China at Malaysia, hanggang sa 2021, ayon sa Department of Finance (DOF).
Sa pahayag ng DOF, tinataya ng World Bank na lalago ang Philippine gross domestic product (GDP) ng 6.4% ngayong taon, pangalawa sa 6.6% ng Vietnam.
Mas mataas ito sa 6.2% ng China, sa 5.2% ng Indonesia at sa 4.6% ng Malaysia.
Ang ekonomiya ng Filipinas ay nakikitang lalago ng 6.5% sa 2020 at 2021, kapareho ng projected growth rate para sa Vietnam sa kahalintulad na panahon.
Ito ay mas mataas sa growth rate ng China na 6.1% sa 2020 at 6.0% sa 2021; sa 5.3% ng Indonesia sa 2020 at 2021, at sa 4.6% ng Malaysia sa kaparehong two-year period.
“The Philippines is also expected to remain as an attractive destination for foreign direct investments (FDIs). We are pushing to further liberalize investment ownership in the country,” wika ni Finance Undersecretary Gil Beltran.
Tinukoy rin ni Beltran ang malakas na fiscal performance at tax reforms, na makatutulong para suportahan ang ‘Build Build Build’ infrastructure modernization program ng administrasyong Duterte at matiyak na magpapatuloy ang growth momentum ng ekonomiya.
“Moreover, the Philippines has implemented monetary and non-monetary policies to keep inflation manageable and bring it back to the government’s target range of 2 to 4 percent this year,” aniya. “Perceived overheating risks have abated, driven by government measures and policies.”
Ang inflation ay naitala sa 3.2% noong Mayo, mas mabagal year-on-year subalit mas mabilis sa naunang buwan, ayon sa Philippine Statistics Authority.
Comments are closed.