NILANGOY ni paraswimmer Gary Bejino ang unang ginto ng Pilipinas sa 12th ASEAN Para Games, kung saan nagtala siya ng bagong record sa Men’s 400M Freestyle S6 event.
PHNOM PENH— Dalawang swimmers, isang thrower at isang power lifter ang nagbigay sa Pilipinas ng apat na ginto sa 12th ASEAN Para Games sa magkakaibang venues dito sa Cambodian capital kahapon.
Ipinagkaloob nina Paralympians Gary Bejino at Ernie Gawilan ang unang dalawang gold medals ng bansa kung saan dinomina ng una ang men’s 400-meter freestyle S6 sa loob ng limang minuto at 38.26 segundo habang naghari ang huli sa 400m freestyle S7 sa oras na 4:58.78.
Ang panalo ay record-breaking para kay 27-year-old Bejino kung saan winasak niya ang dating marka na 6:07.99 na naitala ni Aung Myint Myat ng Myanmar, na sumabak dito ngunit nagkasya sa silver sa 6:04.17, anim na taon na ang nakalilipas sa Kuala Lumpur, Malaysia.
“Masaya tayo dahil una tayo na nakabigay ng unang ginto sa bansa natin,” sabi ni Bejino, tubong Tabaco, Albay, na nakatakda ring lumahok sa 200m, 100m at 50m freestyle, 50m butterfly at 4x100m medley relay kung saan pangunahan nila ni Gawilan ang koponan.
Kinuha naman ni Cendy Asusano ang gold sa women’s shot put F54 kung saan pumukol siya ng 5.77m at tinalo sina Vietnam’s Nguyen Thi Ngoc Thuy at isa pang Philippine bet Marites Burce, na nagkasya sa silver at bronze na may 5.48m at 4.84m, ayon sa pagkakasunod.
Nangako si 33-year-old Asusano na magdaragdag ng dalawa pang mints sa javelin ngayon at sa discus throw sa Miyerkoles.
“Tinatarget ko po three gold,” sabi ni Asusano, na nakalikom na ng kabuuang 6 golds, kabilang ang tatlo sa Kuala Lumpur noong 2017 at dalawa noong nakaraang taon sa Surakarta, Indonesia.
Sa National Paralympic Committee Hall, matapos ang matagal na paghihintay, sa wakas ay nakasapul ng malaki si Marydol Pamati-an makaraang kunin ang gold sa women’s 41-kilogram division.
Muntik na niyang masikwat ang ikalawang gold ngunit nagkasya sa silver matapos na matalo via tiebreak kay Indonesian Eneng Paridah bagama’t pareho silang bumuhat ng 75kg.
Nag-ambag si Achelle Guion, isang Paralympic veteran, ng dalawang silver medals sa women’s 45kg division.
Sa pool pa rin, naibulsa ni Ariel Joseph Alegarbes, ang flag-bearer at triple gold winner sa Surakarta, ang silver sa 100m breaststroke SB14 sa oras na 1:13.59.
Nakopo ni Malaysian Mohd Adib Igbal Abdullah ang gold sa 1:09.54 habang kinuha ni Singapore’s Darren Wei Siang Chan ang bronze sa 1:18.82.
Sa chess sa Royal University, lumapit si Sander Severino at ang extraordinary Filipino woodpushers sa gold kung saan nanguna sila sa tatlo sa anim na classes sa rapid.
Tumabla si Severino, sisikaping mapantayan kundi man mahigitan ang kanyang quadruple-gold haul noong huling edisyon, kay fellow FIDE Master Maksum Firdaus ng Indonesia upang makisalo sa liderato sa men’s PI class kay countryman Henry Lopez, nagwagi kontra teammate Jasper Rom, na may tig-3.5 points matapos ang apat na rounds sa six-round meet na ito.