(PH kumpiyansa) ECONOMIC GROWTH, INFLATION TARGETS MAKAKAMIT

TIWALA ang economic team ng Pilipinas na makakamit ng bansa ang economic growth at inflation targets nito ngayong taon.

Ayon kay Budget Secretary Amenah Pangandaman, ang economic growth ay inaasahang papasok pa rin sa pagtaya ng inter-agency Development Budget Coordination Committee’s (DBCC) na 6.0% hanggang 7.0%.

“As of now we’re still confident that we’ll be able to hit our targets, so we will see, but as of now we’re still trying to keep up,” pahayag niya sa mga reporter sa sidelines ng Philippine Islamic Finance Roadshow sa Makati City nitong Martes.

Ang Philippine economy ay lumago ng 5.2% sa third quarter, bumagal mula 6.4% sa second quarter. Dahil dito, ang year-to-date average ay nasa 5.8%, mababa sa target range ng pamahalaan.

Sinabi ni Pangandaman na ang inflation ay inaasahan ding pasok sa 2.0% hanggang 4.0% target range makaraang maitala sa 2.3% noong Oktubre.

Aniya, maaaring magkaroon ng mga rebisyon sa macroeconomic assumptions sa susunod na pagpupulong ng DBCC sa unang linggo ng Disyembre upang isaalang-alang ang pagbabago ng liderato sa United States kung saan balik sa kapangyarihan si Donald Trump sa Enero.

“If ever, it’s probably very minimal. Actually, I’m not sure if they can already take into consideration the new administration of President Trump, so I think it’s also nice to look at it,” aniya.

Ani Pangandaman, isa sa posibleng mga pagbabago ay ang peso-dollar exchange rate, na kamakailan ay bumagsak sa record low na P59:$1, ang pinakamahina sa loob ng dalawang taon o magmula noong October 2022.

“Maybe because we saw the articles in the past few days, but pinag-aaralan pa natin. BSP (Bangko Sentral ng Pilipinas) is in charge of that, so we’ll see,” dagdag pa niya.