PH LALAGDA NG LABOR DEALS SA UK, GERMANY

NAKATAKDANG lumagda ang Pilipinas ng bagong bilateral labor deals sa Germany at United Kingdom, na magbibigay-daan sa deployment ng maraming Filipino workers sa naturang European countries.

“Alam n’yo po sa ngayon… si [Labor] Secretary Bebot Bello ay nasa ibang bansa. Patungo po siya ng Germany para po magkapirmahan doon sa ating BLA o bilateral labor agreement,” pahayag ni Philippine Overseas Employment Administration (POEA) chief Bernard Olalia.

Ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE), saklaw ng labor agreement sa Germany ang Filipino health professionals at workers mula sa 31 iba pang sektor.

Ang pilot sectors ay kinabibilangan ng hotel service, electrical engineering and mechanics, sanitation, heating and air conditioning, at child care.

“Maliban po sa Germany, nandiyan din po ang UK na nangangailangan ng napakarami pong health workers,” ani Olalia.

Aniya, malaki rin ang pangangailangan sa skilled Filipino workers sa Romania, Croatia, at Hungary.

Ayon pa kay Olalia, sa Taiwan at South Korea ay nagsimula nang tumanggap ng factory workers habang sa New Zealand at Australia ay tumatanggap din ng skilled workers

Kamakailan ay lumagda rin ang Pilipinas sa labor agreement para sa deployment ng hotel workers sa Israel.

“Kung maalala po ninyo, ito po iyong mga OFWs natin na naantala ang deployment noong 2020 noong kasagsagan ng ating pandemya. Nagkaroon po tayo ng ugnayan sa Israel… at tayo po iyong kauna-unahang foreign workers na binigyan ng opportunity para magpadala ng hotel keepers sa Israel,” ani Olalia.

Bukod sa hotel workers, ang Pilipinas ay nakapagpadala na rin ng 2,000 caregivers sa Israel, habang 2,600 iba pa ang may kontrata na at naghihintay na lamang sa kanilang aktuwal na deployment dates.