WALA umanong dapat ipangamba ang publiko kaugnay sa isyu ng paggamit sa Reed Bank bilang kolateral sa ginawang pag-utang ng Filipinas ng $62 milyon sa China para sa Chico Dam project.
Sa press briefing, sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na tiyak na makababayad ang Filipinas sa China kung kaya hindi dapat mangamba na mapapahamak ang bansa sa papasuking proyektong ito.
Ayon kay Panelo, kilala ang Filipinas na maayos na nagbabayad ng utang at napakaliit na halaga lamang, aniya, ang uutangin ng bansa para sa nabanggit na proyekto.
Sinabi ni Panelo na posibleng ito ang dahilan kung kaya pumayag ang mga economic manager ni Pangulong Duterte na magamit ang Reed bank bilang kolateral sa naturang utang para sa dam project.
Una rito ay nagbabala si Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio na nakasaad sa Chico River Irrigation Loan Agreement na maaaring kunin ng China ang natural gas deposits sa Reed Bank o mas kilala bilang Recto Bank kung magkakaroon ng default sa pagbabayad ang Filipinas.
Binigyan-diin ni Panelo na malabo itong mangyari dahil kilala ang bansa bilang ‘good payer’ pagdating sa foreign loans nito.
“Bakit naman tayo made-default? We never defaulted from any obligations to any international organization with respect to loans of our country, palagi naman tayong nagbabayad,” giit ni Panelo.
“They have been saying that bakit daw iyong kontrata pabor sa China, eh bakit, hindi ba ‘pag nangungutang tayo, meron ba tayong say? When we loan from the bank, it’s always the terms of the bank. Natural lang iyon na they will make sure na hindi sila malulugi sa kanilang pinautang sa atin,” dag-dag pa ni Panelo. EVELYN QUIROZ
Comments are closed.