PANGUNGUNAHAN nina Bryan Bagunas at Marck Espejo ang Philippine men’s national team na sasabak sa 2019 Thailand Open Sealect Tuna Championships sa Hulyo 4-10.
Makakasama ng dalawa sina John Vic De Guzman (PLDT), Mark Alfafara (PLDT), Ranran Abdilla (Air Force), Rex Intal (Cignal), Peter Torres (Cignal), Kim Malabunga (Air Force). Francis Saura (Air Force), Jack Kalingking (Navy), Ricky Marcos (Sta. Elena), Jessie Lopez (Air Force), Kim Dayandante, at Ish Polvorosa.
Ayon kay head coach Dante Alinsunurin, naging basehan sa pagpili sa bubuo ng koponan ang kakayahan ng mga player.
“Fifty-percent naman halos nasa teams ko, eh, nasa team ng Air Force saka Sta. Elena. So medyo na-adapt talaga ‘yung sistema then the rest is nandiyan naman si [Marck] Espejo, madali naman mag-adapt ng mga puwede naming gawin,” aniya.
Isa pa sa kinonsidera ni Alinsunurin ay ang karanasan ng mga player kapwa sa kanilang professional at international stints.
“Importante kasi sa’kin ‘yung [experience] eh, medyo short kasi ‘yung preparation natin. Dati kasi parang dapat year talaga ‘yung preparation or dapat tuloy-tuloy ‘yung liga,” dagdag pa niya.
Gayunman ay nilinaw niya na ang pagiging bahagi ng line-up para sa Thailand tourney ay hindi garantiya para sa isang puwesto sa SEA Games roster.
Sa kasalukuyan, dalawang Thai under-23 squads ang lalahok din sa pocket tournament.
Comments are closed.