TINATAYANG tataas ng 11 percent ang pork imports ng bansa sa susunod na taon upang madagdagan ang local supply at matugunan ang lumalaking pangangailangan para sa animal protein, ayon sa United States Department of Agriculture (USDA).
Sa pinakabagong “Livestock and Poultry: World Markets and Trade” report nito, inaasahan ng USDA na aabot ang pork imports ng bansa sa 300,000 metric tons (MT) sa 2019, mas mataas ng 30,000 MT sa tinatayang 270,000 MT volume ngayong taon.
Ayon sa report ng USDA, ang local swine output noong 2019 ay tataas ng 1.87 percent sa 1.63 MMT, mula sa inaasahang total production volume na 1.6 MMT ngayong taon.
Dagdag pa ng USDA, ang total pork meat demand ng bansa sa susunod na taon ay maaaring tumaas ng 3.2 percent sa 1.929 MMT, mula sa inaasahang pagkonsumo na 1.869 MMT.
Nakasaad pa sa USDA report na maaaring tumaas ang total chicken meat import ng bansa sa susunod na taon ng 9.67 percent sa 340,000 MT mula sa 310,000 MT na tinatayang volume ngayong taon.
Nauna rito ay inihayag ni Pork Producers Federation of the Philippines Inc. (ProPork) President Edwin G. Chen na ang lumalaking pangangailangan para sa karne ng mga Filipino ay nag-uudyok sa mga hog raiser na dagdagan ang kanilang produksiyon.
“[Global] Chicken meat exports are forecast a robust 4 percent higher to a new record. Shipments by major traders are fueled largely by rising consumption in developing markets, such as the Philippines, Angola, Cuba, and Ghana,” sabi pa ng USDA.
Batay sa USDA report, ang global chicken meat exports sa susunod na taon ay aabot sa 11.619 MMT, mula sa 11.153 MMT estimated volume ngayong taon.
Umaasa ang United Broilers Raisers Association Inc. (Ubra) na ang broiler output ng bansa ngayong taon ay tataas ng 5.4 percent sa 970 million heads sa likod ng mas malaking demand.
Ayon kay Ubra President Elias Jose Inciong, ang broiler production sa 2018 ay maaaring umabot sa 960 million hanggang 970 million heads, mas mataas sa tinatayang output noong nakaraang taon na 920 million heads.
Ang inaasahang total broiler output ngayong taon ay nasa 1.248 billion kilograms hanggang 1.261 billion kg sa average weight na 1.3 kg per broiler.
Dagdag pa ni Inciong, ang pagpapalawak ng broiler farms ay sa harap ng inaasahang mas mataas na demand dahil sa paglaki ng populasyon at sa pagbuti ng purchasing power ng mga Filipino. JASPER ARCALAS