HOA BINH — Pangungunahan ni Jermyn Prado ang women’s team at tatrangkuhan ni Jan Paul Morales ang men’s squad sa pagtatangka ng Pilipinas sa unang gold medal nito sa cycling sa criterium event ng 31st Southeast Asian Games ngayong umaga dito.
Makakasama ni Prado—individual time trial gold at road silver medalist noong 2019 sa Tagaytay City— sina 2019 SEA Games cross-country mountain bike bronze medalist Avegail Rombaon at 2021 national trials road winner Kate Yasmine Velasco.
Kasama ni Morales sa karera na nakatakda sa 1.48-km circuit sa pusod ng rustic city na ito, 90 kilometers southeast ng capital Hanoi, sina fellow sprinters Dominic Perez at Aidan James Mendoza.
“It will be a solid sprinting and endurance race all the way,” wika ni cycling head coach Ednalyn Hualda, na pinasalamatan ang Philippine Olympic Committee at Philippine Sports Commission sa pagsuporta sa kampanya ng koponan sa fully SEA Games.
“Because this is a race to the finish, there will be no relaxing for the cyclists.” dagdag ni Hualda.
Ang women’s race ay nakatakda sa alas-10 ng umaga (Manila time) na binubuo ng 20 laps para sa kabuuang 29.60 kms habang ang men’s race ay gaganapin sa alas-11:30 ng umaga sa 30 laps para sa 44.40 kms.
Ang format ay race to finish— nangangahulugan na ang top three riders ay gagawaran ng gold, silver at bronze medals.
Ang cycling ay nagbigay ng 3 bronze medals sa mountain bike mula kina John Derrick Farr at Naomi Gardoce sa downhill at Jericho Rivera sa downhill.
Ang Pilipinas ay nagwagi ng 3 golds—Prado, Farr, at Lea Denis Belgira sa downhill— 4 silvers at 4 bronzes sa 2019 Games.