KUMPIYANSA ang Philippine Shooting team sa magandang performance sa nalalapit na 30th Southeast Asian Games na gaganapin sa bansa simula sa November 30 matapos ang matagumpay na kampanya sa katatapos na 14th Asian Shooting Championships sa Doha, Qatar.
Sinabi ng mga opisyal ng Philippine National Shooting Association (PNSA) na natutuwa sila sa resulta ng Doha meet, lalo na sa men’s shotgun trap team competition.
Nakatipon si shotgun shooter Carlos Carag, na nagtala ng best score na 114 para sa Philippine men’s trap, kasama ang 113 ni Hagen Topacio at ang 110 ni Eric Ang, ng kabuuang 337 upang tumapos na seventh mula sa 14 Asian teams na lumahok.
Ito ang pinakamataas na iskor na naiposte sa Southeast Asia ngayong taon.
Nakatugon sina Carag at Topacio sa minimum qualifying standard upang magkuwalipika para sa universality place sa Tokyo Olympiad sa susunod na taon.
Kinapos si Jethro Dionisio, na nagtatangka ring maabot ang minimum quota score, nang pumutok lamang ng 111.
Gayunman, sina Ang at Topacio ay nakatugon na sa MQS sa Southeast Asian shooting o SEASA championships sa kaagahan ng taon sa Jakarta, Indonesia.
Ayon kay Trap coach Fernando Mercado, ang iskor ng Philippine men’s trap team ay katumbas ng gold medals kapwa sa individual at team competition sa SEA Games.
Ang walong iba pang Filipino shooters na sumabak sa Asian Championships ay sina Olympic solidarity scholars Jayson Valdez at Amparo Acuña, kasama sina Denise Basila at Sean Jayfred Ocampo sa rifle team; at ang pistol team nina Shanin Lyn Gonzales, Juliette Rose Arellano, Marcelo Gonzales at Angelo Michael Fernandez.
Ang koponan ay pinangungunahan ni PNSA VP Irene Garcia, kasama sina h rifle coach Julius Valdez, shotgun coach Fernando Mercado, pistol coach Susan Aguado at armorer Mario Dasalla.
Ang partisipasyon ng shooting team ay sinuportahan ng Philippine Sports Commission (PSC) kung saan hindi lamang ito isang Olympic qualifying tournament para sa Tokyo Olympiad sa susunod na taon, kund nagsisilbi ring huling international exposure para sa mga shooter na sasabak sa biennial meet, tatlong linggo mula ngayon.
Comments are closed.