LALAHOK ang Philippine National Shooting Association sa mga nalalabing qualifying tournaments para sa Paris Olympics.
Tiniyak ito ni PNSA secretary-general Iryne Garcia sa kanyang pagbisita sa Philippine Sportswriters Association Forum kahapon sa Rizal Memorial Sports Complex.
Sinabi ni Garcia na sinisikap ng PSNA na magpadala ng top Filipino shooters sa bawat qualifying tournament na nakalinya para sa Paris Games.
“We’ve been trying to join all the qualifying events,” sabi ni Garcia, na sinamahan sa forum nina young shooters Amparo Acuna ng rifle at Franchette Quiroz ng pistol, na kapwa malapit na sa pagkuwalipika sa kanilang unang Olympics.
Ayon kay Garcia, buo ang suporta ni PNSF president at Rep. Mike Dy sa mga shooter, umaasa na makakapasok ang mga ito sa Paris, kabilang sina 2020 Tokyo Olympics veteran Jayson Valdez at Enrique Enriquez (skeet). Ang iba pang top shooters ng bansa ay sina Hagen Topacio (trap) at Bryan Rosario, na sumabak sa skeet event ng 2012 LondonOlympics.
Sina Acuna at Quiroz ay sasailalim sa matinding training sa Germany sa susunod na buwan bago sila magtungo sa Rio de Janeiro, Brazil para sa ISSF World Olympic Qualification Tournament para sa rifle at pistol sa April 11-19.
Pagkatapos ay may qualifiers para sa shotgun sa Doha, Qatar mula April 19 hanggang 29 para sa iba pang Filipino hopefuls.
Noong nakaraang buwan, idinaos ang qualifying events para sa rifle, pistol at shotgun sa Jakarta at Kuwait. Subalit ang mga Pinoy na nakapasok sa finals ay kinapos sa top two finishes na naggarantiya sana sa kanila ng tickets sa Paris.
“But we must keep on trying because if the top two finishers in each event in the remaining qualifiers have already clinched the quota, it passes on to the other top finishers,” ani Acuna, 26.
Sinabi ni Quiroz, 27, na nagsasanay sila limang beses isang linggo at isa pang araw para sa physical training sa pagitan ng mga kumpetisyon.
“Based on the rankings, we think we have a high chance. Mataas ang ranking ko and those above me, may quota na,” aniya.
“Actually there’s a lot going on within the PNSF. We are going to host the Southeast Asian Shooting Championships this year after we won the bid in 2022. The last time we hosted the event was in 1997,” ayon kay Garcia. “We also put up a committee for sports development. We really want to promote the grassroots program and hopefully we can tap even more talents and produce more. Then of course, there’s the Olympics,” dagdag pa niya.
CLYDE MARIANO