KUMPIYANSA ang Swimming League Philippines (SLP)-Team Philippines na makapag-uuwi ng medalya, hindi man malagpasan ng mga batang swimmer ang tangan na personal best time sa pagsabak sa Hamilton Aquatics Short Course sa Dubai, United Arab Emirates sa Oktubre 22-23.
Ayon kay SLP-Philippine Team head coach Bryan Estipona, malaking hamon sa kanya ang pangunahan ang 13-man PH Team sa pagsabak sa kauna-unahang international competition, ngunit sapat ang kahandaan at katatagan ng kanyang mga atleta para mapagtagumpayan ang kanilang misyon.
“Unang-una po nagpapasalamat ako sa tiwalang ibinigay ng SLP sa pangunguna ni Madam Joan Mojdeh na pangunahan ko ang team. May halos tatlong linggo pa para makapagsanay at makapaghanda pero sa apat na swimmers na under sa swimming club ko, masasabi ko na talagang palaban ang mga ito,” pahayag ni Estipona, dating miyembro ng UST team sa UAAP patungkol sa apat na alagang swimmers na napabilang sa koponan.
Kasama ni Estipona ang apat na pambato mula sa Sharpeedo Swim Team-Caloocan na sina Andrea Kenjie Samontanes, Kathryn Leigh P. Kier at magkapatid na Louis Andrei at Hanna Mikaela Lim. na dumalo sa Tabloids Organization in Philippine Sports, Inc. (TOPS) ‘Usapang Sports’ nitong Huwebes sa Behrouz Restaurant sa Timog, Quezon City.
Sa edad na 10, ang Baguio-based na si Kathryn ang pinakabatang kalahok sa koponan na binuo ng SLP matapos ang serye ng qualifying tournaments sa lahat ng affiliated club sa bansa simula nitong Hunyo.
“Gagawin ko po ang makakaya ko, pero kahit hindi ako magmedalya, kahit ma-improve ko lang ‘yung time ko masaya na po ako at maibibida sa pamilya at sa mga sumusuporta sa akin,” pahayag ng Grade 4 student ng Baguio SPED Center sa lingguhang sports forum na itinataguyod ng Philippine Sports Commission (PSC), Games and Amusements Board (GAB), Pagcor at Behrouz Restaurant.
Nagkuwalipika si Kathryn sa 50 at 100-meter bacstroke sa personal best na 46 segundo at 1:20.00, ayon sa pagkakasunod, na ayon kay Estipona ay kapwa personal best.
“‘Yung dati niyang time ay 52 at 1:31. Masaya ako sa kanila dahil lahat sila nag-improve ang time at napasama sa team kahit halos isang taon pa lang silang nagsasanay sa Sharpeedo,” ayon kay Estipona.
Iginiit naman ni Samontanes na isang malaking pagkakataon ang pagkakasama niya sa koponan para patunayan na magagawa niyang matularan ang tagumpay ng mga idolong sina National junior record holder Jasmine Mojdeh at Olympic champion Michael Phelps.
“Nasubaybayan ko po ‘yung career ni Jasmine kaya gusto kong magawa rin ‘yung acheivement niya. Idol ko sisi Phelps. I’ll try my very best to improve, I thank coach and my parents for being supportive on my dream to become an elite swimmer someday,” pahayag ng 13-anyos na si Samontanes mula sa St. Joseph Colleg of Novaliches.
Handa ring magsakripisyo ang magkapatid na Louis at Hanna para makamit ang tagumpay sa sport na anila’y bahagi ng kanilang buhay.
Ayon kay Estipona, sisimulan nila sa susunod na linggo ang pagsasanay sa buong koponan para mas maging kampante ang damdamin ng bawat isa.
Kabilang din sa koponan sina Julia Ysabelle Basa, 15, at Behrouz Mohammad Mojdeh, 11, ng Paranaque Swim squad; Patricia Celine A. De Chavez, 17; Kristian Yugo Cabana, 12; Charles Matthew J. De Luna, 13; Lyyld Wynn O. Robles, 14; Davidmorvyn L. Gillego, 12 ; Master Charles S. Janda, 13; at Jarold Kesley R. Camique, 14; na nakabase sa Lucena City.
EDWIN ROLLON