NASA Guam ngayon ang Sacred Heart Academy of Novaliches (SHAN) upang katawanin ang Pilipinas sa Guam Invitational category under 15 sa pangunguna ni coach Mark Guevarra Ballesteros, kasama si coach Erwin at ilang guardians ng Bruins players. Umalis ng bansa ang SHAN Bruins noong Mayo 24 at magtatagal sila roon hanggang Mayo 30. Sa unang laro ng mga bata ay nanalo agad sila kaya naman ang kaibigan naming si coach Ballesteros ay abot hanggang tainga ang ngiti dahil magandang buena mano ito para sa kanila.
Bagama’t nagtatangkaran ang mga kalaban ng SHAN ay hindi umano sila natakot, bagkus ay nagsilbing challenge sa kanila ang matatangkad na kalaban. First time ng mga player ng SHAN na sumabay sa tryouts at limang manlalaro ng eskuwelahan ang pumasok.
Ang Philippine Team under 15 ay binubuo nina Aster Palencia, Kyle Gyro Gotangco, Jule Dela Cruz, Deane Dati at Khelfer Dela Cruz ng (SHAN Bruins). Ang iba pa ay galing sa ibang school tulad ng Far Eastern University (FEU), St. Anthony at Falcon Learning Center. Ayon sa limang players ni coach Mark Ballesteros, magkahalong nerbiyos at tuwa ang kanilang nadarama dahil napabilang sila sa mga repesentative sa naturang torneo. Nagpapasalamat si coach Mark sa SHAN school lalo na’t kilala itong eskuwelahan. Good luck sa inyo.
oOo
Natutuwa naman ako sa magandang opportunity sa kaibigan kong si coach Draymond Borromeo ng Meycauayan, Bulacan. Teacher siya sa Lawa Elementary School sa Meycauayan. Trainer si Borromeo ng DepEd team sa CLRAA, gayundin sa Trinitas College.
Bilib ako sa taong ito dahil super sipag at matiyaga. Kahit sariling gastos ay pinupuntahan niya ang isang liga upang tumulong sa kaibigan na coach o mga training na alam niyang makatutulong at makadaragdag sa kanyang kaalaman sa basketball at pagko-coach.
Tulad na lamang sa katatapos na Jr. NBA 2018 kung saan naging coach of the year finalist siya. Si Borromeo ay isa ring certified trainer/coach sa National Basketball Training Center (NBTC), 2017 UST senior high head coach, 2017 Meycauayan City inter-town head coach at 2018 Meycauayan city head coach. Almost 22 years nang nagko-coach si Draymond.
Sa pagdiriwang niya ng kanyang ika-42 kaarawan sa June 20, isang maagang regalo ang dumating kay coach. Kinukuha siya ng NBA Asia para tumulong sa team Thailand sa September ng taong kasalukuyan.
Sana sa maraming achievements nina coach Borromeo at coach Ballesteros ay may makapansin sa kanila upang mabigyan ng pagkakataon na mapabilang sa mga team na bigatin o sa mga liga na kinikilala. Mapasama sana sa coaching staff ang dalawang masisipag at matitiyagang coach na ito. Good luck!
oOo
Buti naman at tanggap na ni girl ang anak ni player sa unang nakarelasyon nito. Dati raw ay dehins pansin ng tsikas ni player ang anak nito. Wala namang magagawa ang babae kundi ang tanggapin nang buong puso ang bata dahil love na love ni player ito. Oks lang mawala ‘yung girl basta ang pretty anak ng basketbolista ay laging kasama.
Comments are closed.