PH VOLLEYBELLES KUMPIYANSA SA SEAG

Volleyball

NANANATILING kumpiyansa ang Philippine Women’s Volleyball Team sa podium finish sa 30th Southeast Asian Games kahit hindi makasama sa lineup ang key player nito na si Fil-Am Kalei Mau.

Kapwa naniniwala sina Larong Volleyball ng Pilipinas Inc. (LVPI) President Joey Romasanta at LVPI training director Peter Cayco na may kakayahan at talento ang National Women’s team na magwagi ng medalya sa nalalapit na biennial meet.

Ayon kay Cayco, ang dalawang linggong puspusang pagsasanay ng Philippine Women’s Volleyball Team sa Japan noong nakaraang buwan ay nakatulong nang malaki upang gumanda ang gelling at bonding ng mga player at namalas ito sa kanilang mga ensayo at scrimmages sa Japanese ball clubs doon.

Aminado si Romasanta na mahirap talunin ang powerhouse Thailand dahil kabilang ito sa best women’s teams sa mundo subalit kaya ng Philippine squad ang Indonesia at Vietnam.

Apat na koponan lamang ang sasabak sa 30th SEA Games makaraang umatras ang Singapore dahil sa kawalan ng kumpetitibong players para makabuo ng isang maaasahang koponan.

Umurong din sina Jaja Santiago at Dindin Santiago-Manabat, na naglalaro bilang imports sa isang Japanese League, sa koponan makaraang hindi makakuha ng permissions mula sa kanilang foreign ballclubs.

Inalis din si Fil-Am Alohi Robinson-Hardy sa lineup dahil kasalukuyan pang pinoproseso ang kanyang Philippine passport.

Ang Philippine Women’s Volleyball pool ay binubuo nina Alyssa Valdez, Julia Morado, Mika Reyes, Iris Tolenada, Eya Laure, Abigail Maraño, Mary Joy Baron, Maddie Madayag, Roselyn Doria, France’s Molina, Aiza Pontillas, Mylene Paat, Jovelyn Gonzaga, Dawn Macandili at Kathleen Arado.

Pinondohan ng Philippine Sports Commission (PSC) ang Japan training ng  women’s team noong nakaraang buwan at inaprubahan din ang two-week training ng Men’s Volleyball Team sa Japan ngayong ­Nobyembre upang mapalakas din ang kanilang tsansa sa medal finish sa SEAG.

Comments are closed.