ISANG ‘Super Team’ ang nakatakdang buuin ng Philcycling sa layuning magkuwalipika ang Filipinas sa Tokyo 2020 Summer Olympics.
Ipinag-utos ni PhilCycling President Abraham ‘Bambol’ Tolentino ang pagbuo sa ‘Super Team’ habang binigyang-diin ang mahigpit at komprehensibong criteria na tutukoy sa bubuo sa koponan.
“We have one full year of achieving a goal of qualifying a Filipino cyclist to the Tokyo Olympics and we want to put together the best of the best on the national team,” wika ni Tolentino.
Kabilang sa criteria para sa pagpili ng bubuo sa koponan ay ang performance ng siklista sa International Cycling Union (UCI) races, continental at national championships at domestic events, Asia at world ranking, gayundin ang kanyang ugali, etika at disiplina.
“The PhilCycling will scrutinize the cyclists’ credentials and from there, a selection committee in the federation would determine the composition of the team,” ani Tolentino, chairman ng Philippine Olympic Committee (POC).
Isang malawakang balasahan sa national road at track team para sa men at women ang ikinakasa kung saan kinumpirma ni Tolentino na kasama ang coaching staff sa revamp.
Itinakda ng Road Cycling Qualification System para sa 32nd Olympiad na gaganapin sa Tokyo ang road race roster sa 128 men at 65 women kung saan ang Top 50 national Olympic committees ay may tig-iisang slot.
Ang gold medal winner sa continental championships sa susunod na taon—sa kaso ng Asian Cycling Championship ay sa Uzbekistan sa Marso – ay makakukuha ng automatic berth para sa Tokyo Games.
Magsisimula ang qualifying season sa Oktubre 22 at magtatapos sa Oktubre 27, 2019.
“We will make sure that we won’t let this opportunity slip our hands,” sabi ni Tolentino, na idinagdag na pagsasama-samahin din ng PhilCycling ang partners nito mula sa pribadong sektor, lalo na ang mga sponsor ng continental at club teams, upang lumikha ng ‘pool of godfathers’ para sa ‘Super Team’.
Ang Filipinas ay kasalukuyang ranked No. 12 sa Asia Tour na may 217 ranking points. Sa UCI world rankings, ang bansa ay nasa labas ng Magic 50 sa No. 69.
Comments are closed.