PHILCYCLING NATIONAL ROAD CHAMPIONSHIPS PAPADYAK SA PEB. 5-9 SA TAGAYTAY CITY

GAGANAPIN ang PhilCycling National Championships for Road 2024 sa Pebrero 5-9 sa Tagaytay City.

Ito ang inanunsiyo noong Biyernes ni PhilCycling president Abraham “Bambol” Tolentino, na siya ring presidente ng  Philippine Olympic Committee.

Ang top 30 riders sa Men Elite, Under 23, Juniors at Youth categories sa 2023 nationals na idinaos noong nakaraang Hunyo ay magiging seeded sa mga karera sa susunod na taon, habang ang women races ay bubuksan sa lahat ng interesadong riders.

Seeded din sa five-day competitions ang top 30 finishers sa nakalipas na Batang Pinoy-Philippine National Games na idinaos nitong buwan sa Tagaytay City at sa kalapit na First at Third District ng Batangas.

Ang PhilCycling ay nagtakda ng maximum participation ng 90 riders sa individual road race (massed start) at tig-60 cyclists sa criterium at individual time trial sa Men’s Elite, Under-23 at  Juniors.

Ang entry list ay iaanunsiyo sa pamamagitan ng Facebook page at social media platforms ng PhilCycling.

Ang women’s races ay sa individual road race, ITT at criterium para sa Elite, Under-23 at Juniors categories.

Ang Youth races ay sasakop lamang sa criterium at  ITT. Ang nationals ay tatakbuhin sa mga ruta na ginamit sa Batang Pinoy-PNG.

Ang nationals ay isang major criterion para sa pagpili sa national road cycling team.

CLYDE MARIANO