SISIKAD na ang PhilCycling National Championships for Road 2024 ngayong Lunes sa Tagaytay City kung saan mahigit 400 riders ang sasabak sa criterium, individual time trial (ITT) at road races sa loob ng limang araw.
Isa si Cambodia Southeast Asian Games double bronze medalist Ronald Oranza sa mga rider na babantayan sa karera na inoorganisa taon-taon ni PhilCycling president Abraham “Bambol” Tolentino, na siya ring head ng Philippine Olympic Committee (POC).
Ang iba pang riders na tututukan sa championships na handog ng Standard Insurance at ng MVP Sports Foundation ay sina Maura de los Reyes sa women elite category at Kim Bonilla sa women junior class.
Ang top finishers ang magiging top contenders sa national road cycling team sa susunod na dalawang taon, pangunahin para sa Thailand 2025 Southeast Asian Games.
Ang kick off ngayong Lunes ay tatampukan ng criterium events sa paligid ng 2.1-km circuit sa Tagaytay City Atrium, na susundan ng ITT competitions sa Martes sa Tuy at Nasugbu sa Batangas.
Papagitna naman ang road races sa men and women junior, under-23 at elite categories sa Miyerkoles hanggang Biyernes.
Ang mga magwawagi sa karera na suportado ng Philippine National Police— Tagaytay City, Cavite, Batangas at local government unit commands— ay tatanggap ng prestihiyosong national champion’s jersey bukod sa gold, silver at bronze medals.
Ang race details at results ay matutunghayan sa official Facebook page ng Philcycling.
CLYDE MARIANO