PhilHealth contribution rate para sa taong 2024 at 2025

“Bakit pataas nang pataas ang ­kontribusyon sa PhilHealth? Ano ­naman ang plano niyo sa aming ­benepisyo?”
– Dennis
  Makati City

Dennis, magandang araw sa ‘yo! Ang adjustments sa kontribusyon ngayong 2024 ay huli na ayon sa nakasaad sa Universal Health Care Law ng 2019. Ito ay para masigurong may sapat na kakayahan ang PhilHealth para tustusan ang pangangailangang medikal ng bawat Filipino.

Katunayan, patuloy ang PhilHealth sa pagpapabuti ng mga benepisyo nito. Lalo naming pinaigting ang pagpapatupad ng PhilHealth Konsultasyong Sulit at Tama o Konsulta. Ito ang primary care benefit ng PhilHealth na nag­lalayong mapanatili ang kalusugan ng bawat isa o maagang matugunan ang panga­ngailangang medikal sa pamamagitan ng preventive care, kasama ang laboratory at diagnostic exam, health risk assessment, at marami pang iba.

Sa ganitong paraan, maaari nating maiwasan ang mga sakit o ma-detect ng maaga ang mga ito para hindi na lumala. Libre rin ang ilang piling gamot sa Konsulta tulad ng gamot sa diabetes, high blood, asthma, at marami pang iba.

Bukod sa primary care, sinimulan na na­min ang pagdagdag sa halaga ng benepisyo para sa ilang inpatient cases. Ang tinutukoy namin ay ang coverage para sa ischemic at hemorrhagic stroke gayundin ang pneumonia high-risk na ilan sa mga pinakamalimit na pinapasang claim sa amin.

Alam nating mahal ang gamutan para sa mga kasong ito, kaya naman inangat namin sa P76,000 ang halaga ng benepisyo para sa ischemic stroke mula sa 28,000. Naging P80,000 naman ang coverage para sa hemorrhagic stroke mula sa dating P38,000. Samatala, ay naging P90,100 ang coverage sa pneumonia high-risk mula sa dating pakete na P32,000.

Hindi lang iyon, Simula 2023, 156 sessions na ng hemodialysis ang sagot ng inyong PhilHealth mula sa 90! Ito ay para tugunan ang matagalang gamutan ng ating mga kababayang mayroong Chronic Kidney Disease Stage 5 o CKD5. Batid naming kailangan nila ng tatlong sesyon kada linggo. Sa pinalawig na benepisyo, siguradong hindi na sila mangangamba buong taon.

Dennis, baka hindi mo pa nababalitaan, inilunsad na rin namin ang Outpatient Mental Health Benefits Package dahil isa sa suliranin ng mga Filipino sa ngayon ang mental health. Mula P9,000 hanggang P16,000 ang coverage ng PhilHealth kada taon sa general at specialty mental health care. Patuloy ang panawagan natin sa mga pasilidad na magpa-accredit na sa PhilHealth para makapagbigay ng seribsyo sa mga nangangailangan nating kababayan.

Lahat ng ito, Dennis, ay sinimulan na namin bagama’t nagkaroon ng suspensyon sa premium adjustments sa nakaraang taon. Patu­loy naming palalakasin ang aming coverage ngayong 2024. Abangan mo ang mga susunod pa naming benefit enhancements, Dennis! Agad naming isi-share ang mga ito sa inyo. Stay tuned!

BALITANG REHIYON

Ang Local Health Insurance Office Nabunturan ay nagsagawa ng seminar ukol sa UHC Law at Konsulta Benefit Package para sa mga Senior Citizens ng ­Poblacion Mawab, Davao de Oro.

Para sa inyong mga katanungan, kumento, at suhestiyon, tumawag sa aming
Hotline No. (02) 8662-2588 available 24/7.

 Maaari ring tumawag o mag text sa aming Mobile Hotlines 24/7
Smart: 0998-857-2957 │0968-865-4670
Globe: 0917-127-5987 │ 0917-110-9812

Para mag request ng Callback sa napiling numero, text “PHICallback <space> Mobile no. na tatawagan <space> detalye ng concern” Schedule ng Callback simula 8am – 8pm

Pwede ring magpadala ng e-mail sa [email protected]. I-follow kami sa Facebook (PhilHealthOfficial) at Twitter (@teamphilhealth) para sa updates tungkol sa NHIP. Panoorin ang mga videos namin sa YouTube at mag-subscribe sa aming Channel (youtube.com/@teamphilhealth).