PhilHealth, itinaas nang higit 10 beses ang Z Benefit para sa Breast Cancer!

   “Magkano na ang Z Benefit para sa Breast Cancer? Bukod sa halaga ng coverage, dinagdagan niyo ba ang mga serbisyong nakapaloob dito?”

– Mia Angela
Paete, Laguna

Yes na yes, Mia! masaya kaming ibahagi sa iyo ang pinagbuting Z Benefit Package para sa breast cancer. Inanunsyo at ipinatupad namin ang naturang pagtaas noong Marso kasabay ng Women’s Month celebration.

Nakalulungkot isiping ang breast cancer ay isa sa mga pangunahing sanhi ng pagkamatay ng mga kababaihan. Kaya naman minabuti naming bigyan ng mas komprehensibong ­benepisyo ang mga pasyente ng sakit na ito.

Mula sa dating P100,000 ay aabot na sa P1.4 milyon ang benepisyong maaaring magamit ng mga breast cancer patients. Batid namin ang mga pinansyal na hamon ng breast cancer sa mga pasyente dulot ng treatments at matagalang gamutan. Kaya sa ginawang adjustment sa package, sisiguruhin naming hindi kakapusin ang mga PhilHealth members.

Hindi na rin isyu kung anong stage na ng breast cancer mayroon ang pasyente. Kung dati ay mga early stages lang ang sinasagot ng PhilHealth, ngayon ay kasama na ang Stages III-IV. Kabilang na sa mga serbisyong covered ay ang mismong surgery o mastectomy at mga diagnostic tests tulad ng mammography at breast panel.

Mia, sagot na rin namin ang mga gamot na kailangan ng mga pasyente, pati ang iba’t-ibang uri ng therapy tulad ng hormonotherapy na makatutulong sa pagbagal o paghinto ng paglaki ng tumor; chemotherapy; at targeted therapy gamit ang mga gamot na direktang ­inaatake ang mga cancer cells.

Pati basic at specific services ay sagot din ng pinalakas na Z Benefit para sa breast cancer! Mia, kasama rito ang clinical consultation, chest x-ray, 2D echo, at iba pa. Gusto din naming ipaalam na base sa mga isasagawang mga tests, surgery, at iba pang gamutan ang makukuhang benepisyo ng pasyente.

Sa ngayon ay 22 ospital na ang contracted ng PhilHealth para magbigay ng Z Benefit para sa breast cancer. Ito ay para masigurong makatatanggap ng kaukulang benepisyo para sa kundisyon. Mia, mahalagang sumailalim sa Pre-Authorization ang isang pasyente bago simulan ang gamutan o sumailalim sa surgery.

Ang Pre-Authorization ay gagawin ng contracted-hospital at isa-submit sa PhilHealth para sa approval. Mabilis lang ito, Mia. Kapag aprubado na ang Pre-Authorization, ibabalik ito sa opsital. Kumbaga ito ay go-signal para simulan na ang gamutan. Ngunit ito ang sigurado, Mia, hindi papayagan ng PhilHealth na mag-isang harapin ng mga pasyente ang kaniyang gamutan para sa breast cancer – lagi ­kaming susuporta para sa kanila! Ang Z ben ay pwede ding ma-avail ng mga kalalakihan na nadapuan ng breast cancer.

Oo nga pala, Mia. Siguro alam mo na ang aming primary care benefit package sa ilalim ng PhilHealth Konsultasyong Sulit at Tama o Konsulta. Sagot nito ang breast ultrasound at mammogram na makakatulong sa maagang pag-detect ng breast cancer. Hindi lang sa breast cancer, kasama rin ang konsultasyon o health assessment sa isang primary care doctor para makatulong sa atin na makaiwas sa sakit.

Sana ay malinaw ang aming naging tugon sa iyong tanong. Nawa’y maipaabot mo ito sa iyong mga kaibigan, kapamilya, o katrabahong kasalukuyang lumalaban sa breast cancer. Pakisabi narito ang kanilang PhilHealth para tulungan sila. Salamat, Mia!

BALITANG REHIYON

Pinangunahan ng Local Health ­Insurance Office ng PhilHealth sa Carcar ang ­orientation tungkol sa Konsulta Package para sa mga miyembrong sasailalim sa First Patient Encounter (FPE).

Ang FPE ay unang hakbang ng ­paggamit ng Konsulta ng pasyente para sa taon kung saan kinukuha o ina-update ng isang provider ang kanilang ­records at mabigyan sila ng ­pangunahing ­pangangalaga sa kalusugan. Ito ay ­importante upang matukoy kung ­mayroon silang panganib sa kalusugan.

Kasama sa mga lumahok ang Alkalde ng Oslob Cebu, mga Konsehal at mga ­residente sa kanilang nasasakupang lugar.