PHILHEALTH, MAGKAKALOOB NG P30 BILLION SA MGA OSPITAL UPANG MASUGPO ANG COVID-19

PHILHEALTH

Magkakaloob ng paunang P 30 bilyon ang PhilHealth sa mga accredited nitong ospital upang makatulong sa mabilis na pagsugpo ng CoViD-19 sa bansa sa pamamagitan ng interim reimbursement mechanism (IRM) nito.

Ang nasabing ayuda ay katumbas ng tatlong buwang halaga ng claims batay sa historical data at ito ay iaawas naman sa kanilang future claims. Kinakailangan lamang na  magsumite ng letter of intent ang mga ospital upang maka-avail ng nasabing mekanismo. Ang mga ospital na may kasalukuyang kinakaharap na kaso o kaparusahan ay maaari ring mag-avail ng nasabing mekanismo.

Ito ay bahagi ng pagsisikap ng PhilHealth upang mabawasan ang return-to-hospital payments mula 2019 pabalik, at upang madagdagan din ang binabayad ng PhilHealth sa mga ospital.

Ayon kay PhilHealth President at CEO Ricardo C. Morales, “Ang PhilHealth ay nananatiling matatag upang sumuporta sa pamahalaan sa paglaban sa CoViD- 19. Ito ay pambihirang panahon na nangangailangan ng kakaibang pamamaraan at ang IRM ay siguradong makatutulong sa layunin ni Presidente Rodrigo Duterte na masolusyonan at maiwasan ang pagkalat ng nasabing virus.

Samantala, pinalawig din ng ahensya ang deadline sa pagbabayad ng kontribusyon para sa mga self-paying direct contributors upang maibsan ang kanilang alalahanin. Maaari nilang bayaran ang kanilang first quarter contribution bago o sa ika-30 ng Abril, 2020 sa halip na sa ika-31 ng Marso nang walang interes.

Bukod dito, ang polisiya sa single period of confinement at 45-days coverage para sa mga miyembro ay pansamantalang ipinagpapaliban, habang ang pagpapasa ng claims ng mga health care providers ay pinapalawig naman mula  60 hanggang 120 araw o higit pa batay sa ipapasya ng PhilHealth.