IPINABATID kamakailan ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na bahagi na ng eGovPH Super App ang sarili nitong Member Portal. Ito ay upang lalong mapadali ang access sa mga PhilHealth information ng mga miyembro alinsunod na rin sa panawagan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na padaliin ang mga transaksyon sa gobyerno sa pamamagitan ng digitalization.
Ang eGovPH Super App ay isang one-stop-shop platform kung saan mabilis nang makakapag-transaksyon ang publiko sa iba’t-ibang ahensya ng gobyerno tulad ng PhilHealth, SSS, GSIS, PAG-IBIG, at mga lokal na pamahalaan.
“Ang digitalization ay isa sa ating mga prayoridad bilang tugon sa pagnanais nating mas mapabuti ang serbisyo ng PhilHealth sa mga miyembro” pahayag ni PhilHealth President at CEO Emannuel R. Ledesma Jr.
Para ma-access ang impormasyon tungkol sa inyong PhilHealth sa eGovPH App, i-download ang eGovPH App sa Google Play Store o Apple App store, mag- sign up gamit ang personal na detalye tulad ng pangalan, petsa ng kapanganakan, address, contact number, at email address.
Magpapadala ng One Time Password o (OTP) sa contact number na inilagay para sa beripikasyon. Panghuli ay ang verification ng account.
Madaling gamitin ang eGovPH Super App dahil sa user-friendly interface at automated button nito na nag-uugnay sa mga government site gaya ng PhilHealthkung saan maaaring ma-access ng miyembro ang kanyang membership record, contribution history at registration sa Konsulta Package Provider.
Aabangan din ang iba pang mga serbisyo ng PhilHealth na nakatakdang isama sa eGovPH Super App tulad ng online registration at amendment, registration sa Konsulta Package Provider at paggamit ng QR code para mapadali ang beripikasyon.