NAGPAHAYAG ng kahandaan ang Philippine Red Cross (PRC) na tumugon sa napipintong kakulangan ng tubig sa Metro Manila dahil na rin sa patuloy na pagbaba ng water level sa Angat Dam.
Kamakalawa ay inianunsiyo ng National Water Resources Board (NWRB) na patuloy ang pagbaba ng water level ng dam, na malapit nang umabot sa critical level.
Inatasan ni PRC Chairman Richard Gordon ang kanyang mga tauhan na ihanda ang kanilang mga water tanker at mga water treatment equipment para sa posibleng magsusuplay ng tubig sa mga lugar na mangangailangan nito.
“Just like last March, we are prepared to deploy our water tankers to supply water to most critical establishments, especially hospitals. We have 20 water tankers in Metro Manila that are capable of filling up high-pressure water systems,” pagtiyak pa ni Gordon.
Sinabi ni Gordon na prayoridad pa rin nilang mabigyan ng suplay ng tubig ang mga pagamutan upang matiyak na hindi maaantala ang pagkakaloob ng mga ito ng healthcare services at maiwasan ang mga health complication, gaya ng sepsis, diarrhea, at iba pang hygiene-related diseases.
Matatandaang nang unang wave ng water crisis noong Marso hanggang Abril ay isa rin ang PRC sa mga nagsuplay ng tubig sa mga pagamutan.
Nabatid na nakapagsuplay ang PRC ng 1,435,475 litro ng malinis at ligtas na tubig sa National Kidney and Transplant Institute, East Avenue Medical Center, Rizal Medical Center, National Center for Mental Health, at Quirino Memorial Medical Center.
Natulungan din nila sa pangangailangan ng tubig ang mga komunidad sa barangay ng Old Balara at Culiat sa Quezon City; Nangka at Tumana sa Marikina; at Addition Hills sa Mandaluyong. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.