PICS 2024, COPYRIGHT AT TEKNOLOHIYA

Ang ikalawang Phi­lippine International Copyright Summit (PICS), ang pangunahing pagtitipon sa bansa na may kaugnayan sa copyright at mga creative industries, ay gaganapin mula Oktubre 21 hanggang 25, 2024, sa Novotel Manila Araneta. Inaasahan na dadaluhan ito ng daan-daang mga artista at manlilikha, legal professionals, mga eksperto sa teknolohiya, mga akademiko, mga lider ng industriya, at mga tagapagpatupad ng polisiya mula sa iba’t ibang larangan ng si­ning at paglikha.

Ipinagpapatuloy ng PICS 2024 ang tradis­yon ng pagsasama-sama ng mga nangungunang internasyunal at lokal na mga eksperto, mga tagapagpatupad ng po­lisiya, at iba pang mga stakeholders sa larangan ng copyright.

Tampok sa summit ang ilang keynote addresses, panel discussions, at mga interactive sessions kasama ang mga kilalang eksperto sa intellectual property, partikular sa usapin ng copyright.

Ang event ngayong taon, sa pangunguna ng Intellectual Property Office of the Philippines – Bureau of Copyright and Related Rights (IPOPHL-BCRR), ay may temang “Unlocking the Future: Tech Trends and Challenges in Copy­right.” Layunin ng summit na magsimula ng mga talakayan tungkol sa pagkakaugnay ng batas sa copyright at mga umuusbong na teknolohiya tulad ng artificial intelligence (AI).

Magkakaroon ang mga kalahok ng pagkakataong matuto mula sa mga internasyunal at lokal na eksperto, ma­kibahagi sa mga talakayan, at makipag-network sa iba pang mga propesyunal sa industriya ng paglikha.

Ang Quezon City, kilala bilang “City of Stars,” ay co-host ng PICS ngayong taon kasama ang IPOPHL-BCRR. Ipinahayag ni Mayor Joy Belmonte ang kanyang pasasalamat, aniya, “Lubos kaming nagpapasalamat na napili bilang host ng PICS ngayong taon. Kinikilala namin ang malaking potensyal ng creative industry, at kami ay nakatuon sa pagbibigay ng plataporma para sa mga artista upang maipakita ang kanilang mga talento, makakuha ng kaalaman, at magkaroon ng mga koneksyon upang higit pang mapalago ang kanilang mga kakayahan.”

(Itutuloy…)