NILINAW ni Interior and Local Government Undersecretary Martin Diño na hindi na maaaring maglagay ng babuyan sa loob ng Metro Manila.
Ito ang binigyang- diin ni Diño sa ginanap na lingguhang Report to the Nation media forum ng National Press Club kaugnay sa pagkalat ng sakit na African Swine Fever (ASF) na nakaaapekto sa mga alagang baboy.
Ayon kay Diño, isang resolusyon ang pinagtibay na ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na naglalayong tuluyang maipagbawal ang anumang paglalagay ng mga piggery o pag-aalaga ng mga baboy sa loob ng Metro Manila.
Layon ng naturang hakbang na hindi makapagdulot ng perhuwisyo sa sinumang naninirahan malapit sa mga residential areas ng Kalakhang Maynila kung kaya’t ipinalipat na lamang ang mga babuyan sa mga karatig lalawigan ng Metro Manila upang mailayo ang samu’t saring problemang dala ng mga babuyan.
Layunin din nitong maiwasan ang pagkalat ng anumang uri ng sakit na dala ng mga alagaing baboy katulad ng ASF.
Aniya, nakahanda ang DILG katuwang ang mga barangay official sa pagmo-monitor sa sinumang su-suway sa naturang kautusan. BENEDICT ABAYGAR, JR.
Comments are closed.