PIKON TALO

on the spot- pilipino mirror

BAGO ang lahat, nais ko munang batiin ng HAPPY 7TH ANNIVERSARY  ang aming newspaper, ang PILIPINO Mirror. Salamat po, Panginoong Diyos, sa pitong taon na pagiging sports columnist ko po rito. Mainit na pagbati sa lahat ng bumubuo at namumuno sa PILIPINO Mirror, especially kay boss  D. Edgard A. Cabangon. Nawa’y patuloy na magtagumpay ang PILIPINO Mirror. CONGRATULATIONS!!!

oOo

Usap-usapan ngayon ang pagpapatalsik sa hardcourt kay Terrence Romeo ng San Miguel Beer  dahil sa pakikipag­talo niya kay  referee Peter Balao. Binigyan siya ng F2 dahil na rin sa pagmumura niya sa referee. Katunayan,  inawat na rin siya ni team Gov. Robert Non, pero hindi niya ito pinansin, bagkus ay tuloy pa rin ang pakikipagdiskusyon kay Balao. Inawat na rin siya ng kanyang mga teammate,  sa pangunguna ni team captain  Arwind Santos. Sa sobrang galit ni Romeo, totally ay wala siyang pakialam.

Minsan na itong nangyari sa kanya sa kampo ng GlobalPort Batang Pier nang sagot-sagotin  niya si coach Pido Jarencio. Sabi nga ni Arwind Santos sa kanya, dapat ay huwag pairalin ni Romeo ang kanyang damdamin pagdating sa ganitong laro. Dapat ay concentrate lang sa laro. Pati   si Mr. Non ay pinagsabihan ang player na pigilan ang galit nito para ‘di maapektuhan ang laro.

Hindi natin masisii ang mga follower  ng basketball, especially ang PBA fans na sabihing  MAYABANG si Romeo. Sa totoo lang, ang laki ng pinagbago ng dating player ng FEU Tamaraws. Hindi naman siya dating ganyan. Parang may galit siya sa mundo na kinikimkim niya. Kaya every-time napipikon sa laro ay doon lamang niya nailalabas ang suklam sa mundo.

May nakausap naman ako hinggil  kay Terrence.  Sabi ng kausap ko na malapit sa player,  mabait naman daw ito. Tahimik,  madaling kausapin, family man. Masyado lang dedicated si Romeo sa kanyang laro kaya gusto niya laging nananalo ang team.  Pero dapat pigil-pigilin din ang emotion niya.  Kasi ay hindi puwede na wala siyang pinakikinggan. Respeto lang sa mga nakatataas  sa kanya at sa mga teammate niya. First time niya na lumaro sa champipnship mula nang pumasok siya sa PBA.

Fine lang naman ang ipinataw ng tanggapan ni Commissioner Willie Marcial, hindi bababa sa P20k at walang suspension, kaya makapaglalaro ito. Kay Terrence, huwag mayabang sa court, pokus lang sa laro. Kung ayaw niyang masaktan, sabi nga ni coach Sonny Jaworski, maglaro na lang siya ng chess.

oOo

Naging matagumpay ang  opening ng 2019 Metro League Boys Basketball 17- Under Division noong Sabado sa Hagonoy Sports Complex.

Nagpakitang-gilas agad ang Pasay na tinalo ang Taguig, 55-50, para samahan ang defending champion Marikina at Bacoor na kapwa nanalo sa kani-kanilang kalaban, sa Navotas at Las Piñas, ayon sa pagkakasunod. Ang iba pang kalahok sa Metro League, para sa North Division ay ang  Caloocan, Quezon City, San Juan at  Valenzuela. Para sa South naman ay ang Makati at Parañaque.

Sa pagpapatuloy ng liga na mapapanood bukas sa San Juan Gymnasium,  10:30 a.m., maghaharap ang Valenzuela at Quezon City (17U),  kasunod nito ang Makati laban sa Las Piñas, 1:00 p.m.  (17U). Sa alas-

Alas-2:30 ng hapon ay magsasagupa naman ang San Juan at Caloocan (17U), habang magtutuos sa alas-4:30 ang Pateros  at  Taguig (Open Reinforced 2nd Conf.),  at sa huling laro sa alas-6 ng gabi ay magpapambuno ang San Juan at Quezon City (Open Reinfroced 2nd Conf.) Good Luck sa inyong lahat!

Comments are closed.