PILIPINO MIRROR BEST NEWSPAPER SA 16TH GAWAD TANGLAW

KINILALA ng Gawad Tanglaw o Lupon ng Gawad Tagapuring mga Akademisiyan ng Aninong Gumagalaw, ang PILIPINO Mirror, ‘Ang Unang Tabloid sa Negosyo’ bilang Best Newspaper – Tabloid sa ginanap na Gabi ng Parangal ng 16th Gawad Tanglaw sa Teatro Cinematheque, Maynila noong Sabado, ika-5 ng Mayo, 2018.

Bukod dito, kinilala rin ng Gawad Tanglaw bilang Best Newspaper Opinion Columnist sa wikang Filipino si Edwin Cordevilla, isa sa mga batikang kolumnista ng PILIPINO Mirror na tumatalakay sa maiinit na isyu sa bansa sa kanyang kolum na MASAlamin.

Ang Gawad Tanglaw ay isang tanyag na academe-based award-giving body sa Pilipinas na binubuo ng mga kritiko, propesyunal at propesor mula sa iba’t ibang pamantasan at unibersidad na kasalukuyang pinamumunuan ni Prof. Jan Henry M. Choa, Jr. ng De La Salle-College of Saint Benilde Manila.

Sa panayam, ipinahayag ni Prof. Choa, Jr. na, “Ang PILIPINO Mirror ay patunay na may malinis at tapat pa ring babasahing nagtataguyod ng katotohanan, katarungan at pagmamahal sa bayan. Inaasahan namin na kayo ay maging tapat sa pamamahayag katuwang ng akademiya sa pagbibigay ng matuwid at maaasahang impormasyon para sa bayan. Sapagkat kayo ay kabilang na sa TANGLAW ng bayan.”

Samantala, ayon sa tagapangasiwa ng lupon na si Prof. Teresita C. Bagalso, MMC, ng Wesleyan College of Manila, ang pambansang lupon ng Gawad Tanglaw ay nagsasagawa ng masusing deliberasyon sa mga indibidwal, manunulat, mamamahayag, artista at manggagawang pangkultura na nakapag-ambag ng ‘di matatawarang kontribusyon sa larangan ng panulat, radyo, telebisyon at pelikulang nagtataas at nagpapalaganap ng sining at kultura ng lahing Pilipino.

Sa paghirang sa PILIPINO Mirror, kabilang sa mga binigyang-pansin ng Gawad Tanglaw ang wastong baybay at gamit ng wikang Filipino sa mga artikulo. Gayundin ang patas na pagbabalita, paghahatid ng mahahalagang impormasyon at inspirasyon sa mambabasa at masugid na pagtataguyod ng ananagutang panlipunan.

Ang paggawad ng pagkilala ngayong taon ay personal na dinaluhan ng tagapagtatag tagapangulong emeritus na si Prof. Romeo Flaviano I. Lirio, PhD ng Collegio de San Juan de Letran – Calamba; tagapangulo at kaalinsabay pangulong emeritus na si Prof. Jaime G. Ang, DEM, Dr. Elena E. Presnedi at Dr. Teresita C. Fortuna, CESO III ng Pamantasan ng Lungsod ng Muntinlupa; Dr. Florita Villanueva Miranda ng Wesleyan College of Manila at iba pang miyembro at opisyal ng Gawad Tanglaw.

Ang Gabi ng Parangal ay itinaguyod ng Pamantasan ng Lungsod ng Muntinlupa, sa pakikipagtulungan ng Film Development Council of the Philippines, Mindshapers Co., Inc., Mutya Publishing Inc., College of Arts and Science ng PLMun at honorary member Aileen Navor-Hermoso.

Comments are closed.