INATASAN ni Transportation Secretary Arthur Tugade ang tatlong ahensiya na agahan ang pagre-remit ng kanilang dibidendo sa Department of Finance (DOF) upang madagdagan ang pondo ng gobyerno sa paglaban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Sa isang statement, sinabi ng Department of Transportation (DOTr) na nagkakahalaga ng P10 billion ang kabuuang dibidendo ng Philippine Ports Authority (PPA), Manila International Airport Authority (MIAA), at ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP).
Inutusan ni Tugade ang PPA, MIAA, at CAAP na direktang iisyu ang kanilang dividend checks sa DOF sa Biyernes.
Ang PPA ay nakatakdang mag-remit ng P4 billion na dibidendo, habang ang MIAA at CAAP ay magre-remit ng tig-P3 billion.
Ang direktiba ay ipinalabas ni Tugade sa pakikipagpulong sa mga opisyal ng aviation sector sa Civil Aviation Training Center ng CAAP kung saan pinangunahan niya ang isang strategic analysis session upang bumalangkas ng patuloy na hakbang para sa aviation sector ng bansa sa panahon ng Luzon-wide quarantine.
Ang enhanced community quarantine ay ipinatupad ni Presidente Rodrigo Duterte sa buong Luzon bilang hakbang upang mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.
“The dividends to be remitted by the three DOTr agencies will greatly help in funding the government’s campaign against COVID-19, as well as other government projects,” ani Tugade.
“We are now engaged in a war against COVID-19 and the government now needs to muster every financial support it can get to contain and eliminate this deadly disease,” aniya.
“We at the DOTr are throwing our support to this effort and to make sure that we, as a country, survive to see victory in this war against an invisible but very dangerous enemy,” dagdag pa ng kalihim.