HINILING ni Finance Secretary Carlos ‘Sonny’ Dominguez III sa mga kongresista na aksiyunan ang mga ‘doable’ o mga panukala na maaaring isabatas agad para mabuksan ang ekonomiya ng bansa.
Sa pagdinig ng House Committee on Constitutional Amendments sa Resolution of Both Houses No. 2 na nag-aamyenda sa economic provisions ng Konstitusyon, sinabi ni Dominguez na ang pag-aalis sa restrictive provisions sa 1987 Constitution ay isang ‘significant factor’ para mapabilis ang pag-angat ng ekonomiya ng Filipinas.
Pero iginiit ni Dominguez sa panel na kung may mabilis na paraan naman para buksan ang ekonomiya ng bansa at amyendahan ang umiiral na batas para sa ekonomiya ay gawin na ito agad.
Ilan sa mga panukala na sa tingin ng kalihim ay magpapaluwag sa ekonomiya ng bansa at magpapasok ng foreign investors ay ang Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises o CREATE ACT, Retail Trade Liberalization Act, Foreign Investments Act at Public Service Act.
Sinabi pa ni Dominguez na batay sa 2019 Foreign Direct Investment Regulatory Restrictiveness Index, ang Filipinas ay nasa ika-apat na global ranking ng may pinakamahigpit na ekonomiya pagdating sa dayuhang pamumuhunan.
Tinawag pa ni Dominguez na “outdated” o lipas na ang paghihigpit sa economic activity at hindi rin maganda na patuloy na nakatali ang kamay ng bansa sa mga fixed na polisiya na pumipigil sa pagpapalakas ng ekonomiya ng bansa.
Samantala, nababahala naman si Department of Trade and Industry Secretary Ramon Lopez na makaaapekto sa focus para sa isinusulong na Cha-Cha ang COVID-19 pandemic at ang 2022 presidential elections.
Sinabi ng kalihim na wala silang pagtutol sa pagrebyu sa economic provisions ng Konstitusyon pero ang pagtalakay rito ay maaaring kapusin sa panahon at maapektuhan ang pag-usad nito bunsod na rin ng mga hamon na dala ng pandemya at ng nalalapit na halalan sa 2022. CONDE BATAC
Comments are closed.