(Pinabubuo sa gobyerno) DRUG PRICE REGULATORY BOARD

ISINUSULONG sa Kamara ang pagbuo ng pamahalaan ng ‘Drug Price Regulatory Board’ na magmomonitor at magpapatupad ng regulasyon sa presyo ng mga gamot sa bansa.

Sa House Bill 10660 na inihain ni Quezon City Rep. Precious Hipolito-Castelo ay magtatatag ng Drug Price Regulatory Board, na magiging attached agency ng Department of Health (DOH) at Department of Trade and Industry (DTI).

Inaaamyendahan ng panukala ang Republic Act 9502 o ang Universally Accessible Cheaper and Quality Medicines Act o 2008.

Kapag naging ganap na batas, ang board ay magkakaroon ng pitong miyembro kung saan ang DOH Secretary ang magiging chairperson.

Kabilang sa mga trabaho ng board ay tukuyin ang maximum retail price ng mga gamot ‘subject’ sa regulasyon, magsama ng mga gamot sa listahan para sa price regulation, at magpatupad ng cost-containment measures para sa kapakanan ng publiko at government procurement.

Ayon kay Hipolito-Castelo,  magkakaroon ng board para sa regulasyon ng mga gamot ay maiiwasan ang nangyaring pagtaas ng demand at kakapusan sa suplay ng isang gamot nitong kasagsagan ng Omicron variant.

Dahil mahalaga ang gamot lalo na sa mga sintomas na may kaugnayan sa COVID-19 ay importante aniyang matutukan o mabantayan ang presyuhan ng mga gamot, sa lahat ng pagkakataon at hindi lamang sa presensya ng pandemya. CONDE BATAC