PINAG-AARALAN ng Bureau of Customs (BOC) ang pag-donate sa nakumpiskang 42,180 bags ng imported rice sa ilang departmento na nagpapatupad ng government assistance programs. Sa News Forum sa Quezon City nitong Sabado, sinabi ni BOC – Port of Zamboanga chief Benito Lontok na ang smuggled rice, na nagkakahalaga ng P42 million, ay nasabat sa isang raid sa isang bodega sa Barangay San Jose Gusu sa Zamboanga City.
Ayon kay Lontok, ang planong i-donate ang smuggled rice para sa pagpapatupad ng Kadiwa Program ng Department of Agriculture (DA) at sa assistance programs ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ay kailangan pang aprubahan nina BOC Commissioner Bienvenido Rubio at Finance Secretary Benjamin Diokno.
“Idu-donate po yata sa government program, I don’t know po kung Kadiwa or sa DSWD. Pero ‘yun po ay pinag-uusapan pa,” aniya.
Unang ininspeksiyon ng BOC – Port of Zamboanga ang bodega noong Mayo 19 makaraang makatanggap ng impormasyon na may nakatagong smuggled rice doon.
Ayon kay Lontok, nakakita ang mga awtoridad ng iregularidad bagama’t nakapagsumite ang may-ari ng bodega ng import documents.
Tinukoy niya ang mga pagkakaiba sa pagitan ng actual seized goods at ng descriptions na nakalagay sa mga isinumiteng dokumento.
“That’s why we issued a warrant of seizure and detention, and eventually na-forfeit po iyong goods (the goods were forfeited) in favor of the government,” aniya.
Sa isang statement noong Biyernes, sinabi ng BOC na ang payment records na isumite ng warehouse ay tumutukoy sa shipment ng “white rice 15 percent broken” subalit ang nakumpiskang bigas ay “Jasmine Fragrant Rice.”
Ang bodega ay wala ring kinakailangang Sanitary and Phytosanitary Import Clearance mula sa Bureau of Plant Industry.
(PNA)