(Pinag-aaralan ng DA) PAG-ANGKAT NG 8,000 MT PA NG ISDA

PLANO ng Department of Agriculture (DA) na payagan ang pag-angkat ng karagdagang 8,000 metric tons ng small pelagic fish, na target na ma-deliver sa kaagahan ng Disyembre.

Ayon kay DA Assistant Secretary at spokesperson Arnel de Mesa, ang planong importasyon ng isda — na kinabibilanhan ng round scad o galunggong, mackerel, moon fish, at bonito— ay naglalayong matiyak na hindi magkakaroon ng biglaang pagtaas sa presyo ng isda sa gitna ng magkakasunod na bagyo na tumama sa bansa at ng nagpapatuloy na closed fishing season sa ilang lugar.

“We just want to ensure that there will be no problem later on,” sabi ni De Mesa sa isang press briefing kahapon.

“Because, first, there’s a closed fishing season. Second, there was a series of consecutive storms… we are just anticipating problems might arise,” dagdag pa niya.

Aniya, ang desisyon sa planong pag-angkat ng isda ay iaanunsiyo sa darating na linggo.

Sinabi ng opisyal na ang target arrival ng fish shipments ay sa loob ng unang dalawang linggo ng Disyembre.

Ang planong pag-angkat ng 8,000 MT ng galunggong, mackerel, moon fish, at bonito ay bukod pa sa 30,000 MT ng imported fish na inaprubahan ng DA noong nakaraang Oktubre.

“It has to arrive before the end of the year,” ani De Mesa .

Sa datos mula sa price monitoring ng DA ay lumitaw na ang presyo ng local galunggong sa Metro Manila markets ay bahagyang tumaas mula P220 hanggang 340 per kilo noong Oktubre 18 (bago ang magkakasunod na bagyo) sa P240 hanggang P320 per kilo hanggang Nobyembre 18.

Samantala, ang imported galunggong ay kasalukuyang nagkakahalaga ng P240 per kilo mula P210 hanggang P300 per kilo noong nakaraang buwan.
MA. LUISA MACABUHAY- GARCIA