(Pinag-aaralan ng DA)PAG-REPEAL SA RICE TARIFF LAW

PINAG-AA­RALAN ng Department of Agriculture (DA) na kasalukuyang pinamumunuan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga panawagan para sa pagpapawalang-bisa sa Rice Tariffication Law, ayon kay Undersecretary Kristine Evangelista.

Sa panayam sa Balitanghali, sinabi ni Evangelista na tinitingnan din ng DA ang iba pang mga programa na hindi napakikinabangan.

Ayon sa mga kritiko ng RTL, nabigo ang batas na pababain ang halaga ng bigas at lalong naghirap ang mga magsasaka dahil sa pagpasok ng mas murang imported na bigas.

“Ito po ay patuloy na pinag-aaralan po ng kagawaran, we are looking at the effect of RTL sa ating mga producers at ating mga consumers also,” ani Evangelista.

Aniya, masusing pinag-aaralan ng kagawaran ang iba pang mga programa na kailangang ipatupad para mas matulungan ang mga magsasaka.

Hindi naman masabi ni Evangelista kung kailan matatapos ang pag-aaral dahil may iba pa aniyang mga programa na kailangang tugunan.

“Sa ngayon po lahat ay catchup lang and we have to fix things, programs that are not working. We have to tweak them and fix them right away,” sabi ni Evangelista.

“So we are giving ourselves deadlines and this year is very important, the remaining months of the year,” dagdag pa niya.

Magugunitang nilagdaan ni dating Presidente Rodrigo Duterte noong February 2019 ang RTL na nag-aalis sa quantitative restrictions sa bigas at nagpapataw ng 35-percent tariff sa imports mula sa mga kapitbahay ng bansa sa Southeast Asia.

Pinapayagan din ng batas ang unlimited importation ng bigas basta makakuha ang private traders ng phytosanitary permit mula sa Bureau of Plant Industry at magbabayad ng 35-percent tariff para sa shipments mula sa mga kalapit-bansa sa Southeast Asia.