KINOKONSIDERA ng Department of Health (DOH) ang isinusulong na mandatory COVID-19 boosters bago makapasok ang isang indibid wal sa isang establisimiyento.
Sa isang public briefing, sinabi ni Health Undersecretary Myrna Cabotaje na pinag-aaralan din nila ang posibilidad na isama ang booster shots bilang bahagi ng primary inoculation series.
“We may encourage the need for a booster dose. Baka kailangan ng booster card. In the next 2 to 3 weeks tingnan natin kung ano pa ang puwedeng magawa para makumbinsi ang ating mamamayan magkaroon ng booster doses,” sabi ni Cabotaje, na siya ring chairperson ng National COVID-19 Vaccination Operations Center.
“We recognize that boosters are very important. Kasalukuyan tayong nagre-review kung puwede nang i-include ang booster… as part of primary series para makapasok sa mga offices, sa mga work stations,” aniya.
Nauna nang ipinanukala ni presidential adviser for entrepreneurship Joey Concepcion na gawing mandatory ang COVID-19 booster jabs bago payagan ang mga tao na pumasok sa mga establisimiyento at sa close-contact settings sa mga lugar na nasa ilalim ng Alert Level 1.
Ayon kay Cabotaje, bagaman ang Pilipinas ay may fully vaccinated 67 million individuals, nasa 12 milyon lamang ang tumanggap ng kanilang boosters.