(Pinag-aaralan ng DSWD)ONE-TIME BIG-TIME EDUCATIONAL AID PAYOUT

TINITINGNAN ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang posibilidad ng pagpapatupad ng one-time extension ng pamamahagi ng educational assistance kapag natapos na ang six week payout sa Sept. 24.

Ayon kay DSWD Spokesperson Romel Lopez, ang pagpapalawig ay nakabatay sa availability ng pondo mula sa P1.5 billion allocation matapos ang huling araw ng distribusyon.

Aniya, malaki ang posibilidad na ma-extend ang payout dahil maaaring may matira pang pondo.

“Pinag-aaralan din po talaga ni (DSWD) Secretary (Erwin Tulfo). Sa dami ng aplikante ay baka magkaroon tayo, baka may one-time big-time payout,” sabi ni Lopez.

“Pero ‘yung Sept. 24, mananatili siya as is, siya ‘yung last na payout natin para doon sa P1.5-billion (allocation). Kung may matitira man, magka-come up tayo ng guidelines.”

Hanggang Sept. 17, ang ahensiya ay nakapamahagi na ng educational assistance sa kabuuang 414,482 estudyante — lagpas sa target beneficiaries nito na 400,000.

Mahigit P1 billion na cash aid na rin mula sa total budget nito ang naipamahagi karamihan sa college, vocational, at elementary students.

Sakaling matuloy ang one-time extension, sinabi ni Lopez na hindi na muling bubuksan ng DSWD ang online registration, na isinara na ng ahensiya noong nakaraang linggo dahil hindi na kakayanin ng kanilang system ang pagdagsa ng mga aplikante.

“Kung may kukunin man kami outside nung ating two million na applicants, ito na po ‘yung ating mga kababayan na walang access sa internet o sa gadgets. Pero ‘yung magkakaroon pa ng bagong aplikasyon, it’s very unlikely,” paliwanag niya.