(Pinag-aaralan ng gobyerno) PAGBAWI SA DEPLOYMENT BAN SA KUWAIT

kuwait

PINAG-IISIPAN ng pamahalaan ang pag-aalis sa deployment ban sa Kuwait makaraang suspendihin ng Arab state kamakailan ang pag-iisyu ng bagong visa para sa mga Pilipino, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA).

Sa panayam sa Dobol B TV, sinabi ni DFA Undersecretary Eduardo de Vega De Vega na ang pagsuspinde sa pagiisyu ng bagong visa ay tugon ng Kuwait sa deployment ban ng Pilipinas sa mga bagong household workers sa naturang bansa noong Pebrero.

“ Pag-iisipan muna kung ili-lift pa natin ‘yung ban,” ani De Vega.

“Titingnan din natin ang interes. Hindi lang puwedeng pamahalaan ang magde-decide, kami ng DFA, DMW, DOH, Kongreso. Kailangan din namin yung feedback ng public,” dagdag pa niya.

Magugunitang ipinatupad ng pama- halaan ang deployment ban sa Kuwait kasunod ng pagkamatay ng overseas Filipino worker (OFW) na si Julleebee Ranara at ng iba pang mga kaso ng pagmamaltrato sa OFWs.

Ayon kay De Vega, may 275,000 hanggang 300,000 documented Filipinos sa Kuwait, kung saan 70% ang house- hold workers at 30% ang non-household workers.