PINAG-IISIPAN ng Sugar Regulatory Administration (SRA) na ibenta rin ang mga nakumpiskang smuggled sugar sa supermarkets.
“Big supermarket chains signified that they want to volunteer a space, libre ito, magbibigay sila ng shared space na talagang maging Kadiwa outlet siya,” pahayag ni SRA Acting Administrator Pablo Luis Azcona.
Sinabi pa ni Azcona na nasa 4,000 metric tons ng nakumpiskang smuggled sugar ang inaprubahang ibenta sa Kadiwa outlets sa mas murang halaga.
Aniya, ito’y nasa 4 million kilos ng asukal na ibebenta sa P70 kada kilo.
“‘Yung sa ngayon, ‘yung approved is 4,000 metric tons. That is about 4 million kilos,” dagdag pa niya.
“Meron pa tayong naiiwan na nahuli na mga I think almost 6,000 [metric tons]. Hopefully, mare-release din ‘yun once it is proven safe and approved na for sale, for donation to Kadiwa.”
Sa record ng SRA at sa monitoring ng Department of Agriculture (DA), ang isang kilo ng asukal ay kasalukuyang ibinebenta sa halagang P100 hanggang P136, subalit sinabi ni Azcona na ang presyuhang ito ay para sa ilang tindahan lamang.
“Iisang supot lang po ‘yung P136 doon, there is P120, there is P100. Iba-ibang brands po ‘yun. Makikita n’yo, mayroon tayong high, mayroon tayong low, ‘yung important for me is the average, which is P91.50,” sabi pa ni Azcona.
Base sa record ng DA, ang pinakamababang presyo ng puting asukal sa Metro Manila markets ay nasa P86 kada kilo, na mas mataas ng P1.00 kumpara sa target suggested retail price (SRP) ng SRA na P85 kada kilo.
Sinabi pa ng SRA na sa kanilang kalkukasyon, sa kabila ng mas mataas na production costs, ang kasalukuyang farm gate price ng asukal ay P60 lamang.
Aniya, base sa kanilang farm gate at dami ng suplay, ang retail price ay medyo sobra talaga.
“’Yung sapat po na retail price based on the situation sa ngayon po, ‘yung sinasabi natin P85 to P90 retail price ng refined, ‘yun po talaga fair price as of this moment,” dagdag ni Azcona.