NAKIKIPAG-USAP pa ang Department of Trade and Industry (DTI) sa Philippine Baking Industry Group(PhilBaking) kaugnay sa apela ng huli para sa dagdag-presyo sa tinapay.
“We are still negotiating with PhilBaking,” pahayag ni DTI Undersecretary Ruth Castelo sa CNN Philippines sa isang text message noong Miyerkoles.
Kinumpirma ni Castelo na humihirit ang grupo ng 10% pagtataas sa presyo ng Pinoy Tasty at 17% sa Pinoy Pandesal. Sa kasalukuyan, ang suggested retail prices ay P23.50 para sa isang bag (10 piraso) ng Pinoy Pandesal at 38.50 para sa isang pack (450g) ng Pinoy Tasty.
Sakaling pagbigyan ng DTI ang kahilingan ng PhilBaking, ang presyo ng dalawang produkto ay magiging P27.50 at P42.50, ayon sa pagkakasunod.
Ang apela ay kasunod ng panawagan ng bakery owners at maliliit na negosyo sa pamahalaan na tugunan ang tumataas na halaga ng baking ingredients at supplies, tulad ng harina at asukal, at maging ng langis.
Hindi naman masabi ni Castelo kung kailan ilalabas ng DTI ang desisyon sa kahilingan ng grupo.
Ang PhilBaking ay binubuo ng top bakery brands, kabilang ang Gardenia Bakeries Philippines at ang The French Baker.