“PATAAS nang pataas mga gastusin simula sa pagkain, kuryente, at tubig, pati na rin pagpapaospital. Tataasan ba ng PhilHealth ang mga benepisyo nito?”
– Danilo, 59-anyos, Nagcarlan, Laguna
Danilo, ang mabuti naming balita sa lahat ng Filipino ay ang mga pinagbuting Case Rate Packages sa taong 2024. Hindi namin papayagang maghirap ang mga kababayan natin sa pagpapagamot ng kanilang karamdaman. Promise ‘yan.
Para maibsan ang out-of-pocket expenses o iyong paluluwalan ng pasyente, iyong halagang hindi na-cover ng PhilHealth benefits, tataasan namin nang hanggang 30% ang mga kasalukuyang benepisyo sa ilalim ng Case Rates. Sabi nga ng aming President at CEO, Emmanuel Ledesma, Jr., “Dapat ramdam ng mga kababayan natin ang benepisyo nila sa PhilHealth.”
Kung matatandaan mo, Danilo, 2013 pa namin sinimulan ang pagbabayad gamit ang Case Rates, kung saan fixed amount ang ibinabayad ng PhilHealth sa inpatient at outpatient care. Dahil sa nakaambang pagtaas ng benepisyo, siguradong hindi tayo kakaba-kaba sa tuwing kailangan nating magpagamot.
Katunayan, sinimulan na namin ang pagtataas ng halaga ng ilang benepisyo. Mula sa dating P28,000 ay P76,000 na ang coverage para sa ischemic stroke; at P80,000 na ang sagot namin sa hemorrhagic stroke mula sa P38,000.
Danilo, kung hindi mo pa nababalitaan ay pinalawig na rin namin mula 90 sessions hanggang 156 sessions kada taon ang sasagutin ng PhilHealth para sa hemodialysis ng mga pasyenteng may Chronic Kidney Disease Stage 5. Kasunod nito, inilunsad namin ang Outpatient Mental Health Benefits Package na aabot ng P16,000 kada taon.
Iyan naman ang hangarin namin, lalo pa at nakatakda sa Universal Health Care Law ang pagpapabuti ng mga benepisyo sa ilalim ng National Health Insurance Program. Kaya naman hinihikayat namin ang mga hindi pa miyembro na magparehistro na sa PhilHealth para maSEGURO ang kanilang kalusugan at mabigyan ng kalakasang pinansyal sa pagpapagamot.
Iyon lang muna, Danilo. Sana ay patuloy mong suportahan ang PhilHealth!
BALITANG REHIYON
Para sa inyong mga katanungan, kumento, at suhestiyon, mag-text sa aming Callback Channel: 0917-8987442. Text PHICcallback <space> Mobile o Metro Manila Landline number <space> detalye ng concern.
Pwede ring magpadala ng e-mail sa [email protected]. I-follow kami sa Facebook (PhilHealthOfficial) at Twitter (@teamphilhealth) para sa updates tungkol sa NHIP. Panoorin ang mga videos namin sa YouTube at mag-subscribe sa aming Channel (youtube.com/@teamphilhealth).